KINASTIGO ng dating kongresista na si Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang Commission on Human Rights (CHR) matapos nitong ipagtanggol ang mga kabataang naaresto sa kaguluhan sa kilos-protesta laban sa katiwalian sa flood control projects.
Ayon kay Barbers, imbes na kastiguhin ang mga tinawag niyang “masked hooligans,” tila pinapalakas pa ng CHR ang loob ng mga pasaway sa pagbibigay ng proteksyon at legal assistance.
“Kung ang mga ‘hooligans’ na nakita sa social media at TV na nanggugulo sa Luneta, Ayala Bridge at Chino Roces Bridge noong Sept. 21 ay bibigyan ng CHR ng proteksyon, siguradong maeengganyo lang sila na ulitin pa ito,” giit ng dating mambabatas.
Batay sa ulat, mula sa 216 katao na inaresto ng pulisya, 89 ay kabataan na agad tinulungan ng CHR. Hindi ito nagustuhan ni Barbers dahil sa halip na disiplinahin, aniya ay kinampihan pa ng komisyon ang mga naghasik ng gulo at nanira ng ari-arian.
“Paano naman ang karapatan ng mga may-ari ng hotel at tindahan na ninakawan, ng mga empleyadong nawalan ng pera at gamit, at ng mga pulis na nasugatan? Tutulong din ba ang CHR sa kanila?” tanong pa niya.
Iginiit ni Barbers na dapat hikayatin ng pulisya ang mga magulang ng mga pasaway na kabataan na sumailalim ang kanilang mga anak sa drug test at dalhin sa rehab kung positibo.
Aniya, may mga ulat na binayaran ng tig-P3,000 ang ilan sa mga kabataan para sumama sa rally, pero kapansin-pansin din daw ang hindi normal na kilos ng mga ito.
“Posibleng hindi lang bayaran ang mga ito kundi kargado rin ng shabu o rugby kaya nagwala sa kalsada,” dagdag pa ni Barbers.
(BERNARD TAGUINOD)
