CITIRA LAW PABOR SA OLIGARCH – SOLON

WALANG ibang makikinabang sa Corporate Income Tax and Incentives Reform Act (CITIRA) kundi ang mga oligarch na may malalaking negosyo sa bansa habang patuloy naman umanong magbabayad nang mas mataas na buwis ang sambayanang Filipino dahil sa umiiral na Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.

Ito ang pahayag ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas matapos hilingin ni Finance Secretary Carlos Dominguez sa Kongreso na ipasa na ang nasabing panukala sa Hunyo 3.

Ang nasabing panukala ay naipasa na ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa noong nakaraang taon at hinihintay na lamang ang bersyon dito ng mga senador bago pag-usapan sa Bicameral Conference committee upang maging batas na.

Layon umano ng nasabing panukala na mahikayat ang mga dayuhang negosyante na magnegosyo sa Pilipinas dahil ibababa na sa 25% ang Corporate income tax mula sa kasalukuyang 30% at bababa ito ng 1% kada taon na mangangahulugan umano ng pagdami ng trabaho sa bansa.

“Sufficient decent jobs can only be created by implementing policies of national industrialization, not by simplifying incentives program for the rich and powerful,” ani Brosas.

Mas nababahala ang mambabatas na lalong madadagdagan ang buwis ng mga Filipino kung tuluyang babawasan ang buwis na binabayaran ng malalaking negosyante sa bansa.

“Habang binabawasan sila (mayayaman) ng buwis, siguradong tataas naman ang buwis nating mga consumer para mabawi ng gobyerno ang malilibreng buwis ng mga oligarch,” dagdag pa ng mambabatas.

Dahil dito, kailangan umanong tutulan ang nasabing panukala dahil hindi naniniwala ang mambabatas na gagamitin ng mga negosyante ang matitipid nilang gastos sa buwis para sa ekspansyon ng kanilang negosyo. BERNARD TAGUINOD

159

Related posts

Leave a Comment