NELSON S. BADILLA
BINIGYANG katuwiran ni Supreme Court Chief Justice Diosdado Peralta matapos ang mistulang pag-amin na ‘makupad’ sa paglalabas ng mga desisyon si Associate Justice Marvic Leonen.
Inihayag ni Peralta sa virtual press briefing nitong Oktubre 23, si Leonen “has his own style. Medyo mahaba magsulat. We have to respect his manner of solving his cases”.
Batay sa isang pahinang dokumento ng Korte Suprema, 82 kaso ang hindi pa nadedesisyunan ni Leonen.
Si Leonen ay naging mahistrado ng pinakamataas na korte noong Nobyembre 2012.
Batay sa parehong rekord ng mataas na korte, si Leonen ang mayroong pinakamaraming kasong bibigyan niya ng ponente.
Si Peralta ay may lima pang kasong hindi natapos. Tatlo naman kay Senior Associate Justice Estela Perlas-Bernabe.
Sina Peralta at Bernabe ay magkasunod na magreretiro bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hunyo 2022.
Kahit na mabagal magdesisyon si Leonen, walang balak parusahan ito ng mga mahistrado.
Ang kahilingan ni Peralta ay “igalang” si Leonen dahil mahaba ang nilalaman ng kanyang mga ponente.
Biglang napag-usapan sa media ang mabagal na paglalabas ng ponente ni Leonen sa 82 kasong nakapila sa kanyang tanggapan sa Padre Faura Street dahil naglabas ng desisyon ang en banc (buo) ng Korte Suprema nitong Hunyo 23 laban kay Justice Marilyn B. Lagura-Yap ng Court of Appeals (CA).
Ang kasalanan ni Yap ay naganap noong bago siya mag-apply ng pagiging “appellate justice” sa CA noong 2011.
Sa desisyong “per curiam” (ng korte) ng Korte Suprema nitong Hunyo 23, si Yap ay “guilty of Gross Efficiency” noong “presiding judge” siya ng Branch 28, Regional Trial Court ng lungsod ng Mandaue dahil hindi nito tinapos at binigyan ng desisyon ang 160 kaso na nakaatang sa kanyang sala sa loob ng “reglementary period”.
Tinukoy rin ng SC ang hindi pagpapasa ni Yap sa Judicial and Bar Council (JBC) ng kinakailangang sertipikasyon ng caseload noong mag-apply siya ng posisyon sa CA noong 2011.
Pinangaralan din ng mga mahistrado si Yap na magpamalas ito ng ibayong “sipag” sa pagganap sa tungkulin at obligasyon nito bilang “dispenser” ng katarungan, lalo na ngayong siya ay mahistrado ng CA.
Bilang parusa, hindi matatanggap ni Yap ang isang taon niyang sahod sa CA.
Maraming naniniwala na idiniin at pinatunayan ng Korte Suprema na “hindi patas” ang pananaw at pagpapatupad nito sa konsepto ng katarungan dahil ‘malamya’ ang mayorya ng mahistrado sa mabagal pagdedesisyon ng kapwa nito mahistrado tulad ni Leonen.
Isa sa 82 kasong hawak ni Leonen ang protestang elektoral ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos II laban kay Bise Presidente Maria Leonor Robredo.
Isinampa ni Marcos ang kaso noong Hunyo 2016 at napunta kay Leonen noong Oktubre 2019.
Matapos maghain ng kanya-kanyang “memoranda” o komentaryo sina Marcos at Robredo nitong Enero 20 sa desisyon ng mataas na korte bilang Presidential Electoral Tribunal (PET) noong Oktubre ay nito lang bago magtapos ang Setyembre naglabas ng ponente si Leonen kung saan hiningan niya ng komentaryo ang Comelec at Office of the Solicitor General sa mga komentaryo naman nina Marcos at Robredo.
195
