ARESTADO sa mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) – Ninoy Aquino International Airport sa tulong ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) ang claimant ng parcel na naglalaman ng 1,460 gramo ng raw ecstasy kamakailan.
Noong nakaraang Hunyo 27, 2023, isang joint operation ng BOC-NAIA, XIP, CAIDTF, at PDEA ang nagresulta sa pagkakaaresto sa isang claimant mula Las Piñas City.
Batay sa records, ang subject postal item ay dumating sa Central Mail Exchange Center (CMEC) mula Berchem, Belgium via postal service noong Hunyo 20, 2023.
Ang claimant ng parcel ay isinailalim sa rigorous screening, gayundin sa X-ray scanning, K9 inspection, at physical examination, na naging daan sa pagkakadiskubre sa raw methylenedioxymethamphetamine (MDMA) o raw ecstasy na nakalagay sa loob ng isang chopping board, na tinatayang P4,964,000 ang halaga, ayon sa kumpirmasyon ng PDEA.
Ang naarestong claimant at nadiskubreng illegal drugs ay kasalukuyang nasa kustodiya ng PDEA para sa inquest proceedings dahil sa paglabag sa Republic Act 9165, kilala bilang Comprehensive Dangerous Drug Act, at Republic Act 10863, kilala rin bilang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Sa ilalim ng pamumuno ni Acting District Collector Yasmin O. Mapa, ang BOC NAIA ay nananatili sa kanilang pangako para sa tuloy-tuloy na pagpapatupad ng 5 point priority program ni Commissioner Bienvenido Rubio, kasama ng iba pa para sa pinaigting na inisyatiba ng border protection sa pamamagitan ng pinahusay na koordinasyon at pagsisikap ng kanilang partner agencies.
Ang pagkakasabat sa P4,964,000 halaga ng shabu ay bahagi ng pagpapalakas ng Bureau of Customs – Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa kanilang kampanya laban sa illegal drugs sa tulong ng PDEA, NAIA-IADITG.
(JO CALIM)
