CLICKBAIT ni JO BARLIZO
SA gitna ng kaliwa’t kanang alegasyon ng katiwalian sa mga proyektong imprastruktura, tila napapanahon ang ginagawa ngayon ng Commission on Audit (COA) — ang paglilinis sa sariling bakuran.
Matapos pumutok ang isyu ng mga umano’y “ghost” flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH), agad na nag-utos si COA Chairperson Gamaliel Cordoba ng imbestigasyon, hindi lang sa mga opisyal ng DPWH, kundi pati na rin sa mga auditor na posibleng nakasangkot o nagpabaya.
Ayon kay Cordoba, ang mga kasong may sapat na basehan ay isinusumite sa Internal Affairs Office, habang ang mga mas mabibigat na kaso ay diretsong dinadala sa Ombudsman. Ang resulta: may mga opisyal at engineer na ng DPWH ang nasuspinde.
Ngunit hindi rito nagtapos ang hakbang. Bilang bahagi ng reporma, ipatutupad na ng COA ang mandatory geotagging sa lahat ng proyekto ng gobyerno — hindi lang sa DPWH, kundi pati sa National Irrigation Administration, Department of Health, GOCCs, at mga lokal na pamahalaan.
Paliwanag ni Commissioner Douglas Michael Mallillin, gagamitin ang satellite-based geotagging upang masiguro na ang proyekto ay totoong umiiral at hindi peke sa papel lamang — isang modernong paraan para labanan ang “ghost projects” na ilang taon nang sumisira sa kredibilidad ng pamahalaan.
Kasama rin sa reporma ang bagong patakaran na magdeklara ng personal o pinansyal na interes ang mga auditor sa mga proyektong kanilang ina-audit. Paminsan-minsan ay ire-reshuffle din sila upang maiwasan ang sobrang pamilyaridad sa mga ahensya, at magkakaroon ng surprise inspections para maagapan ang anomang anomalya bago pa ito lumala.
Para kay Cordoba, mahalagang maging ehemplo ang COA sa integridad. Kung mismong tagabantay ay handang ma-audit, mas lalakas ang tiwala ng publiko sa mga ulat at rekomendasyon ng ahensya.
Sa totoo lang, madalas ay hindi nauunawaan ng marami ang papel ng COA. Hindi ito ang “NBI ng korupsyon.” Hindi ito ang humuhuli ng tiwali — tagasuri ito ng gastusin at kontrata. Tinitingnan kung may bidding, kung tama ang presyo, at kung natupad ang proyekto. Kapag may iregularidad, saka lamang sila naglalabas ng Notice of Disallowance. At kung may ebidensyang may korupsyon, ang Ombudsman na ang hahawak ng kaso.
Sa madaling sabi, ang COA ay hindi kalaban ng gobyerno — tagapagsuri ito para sa taumbayan. Totoo, may ilan sa kanilang hanay na nagkukulang, ngunit mas marami pa rin ang tapat at seryoso sa tungkulin.
Ang reporma ni Cordoba ay paalala na ang tunay na pagbabago ay nagsisimula sa sariling hanay. Sa panahong sobra ang ingay tungkol sa korupsyon, isang ahensyang marunong magtanong sa sarili — “malinis ba tayo?” — ang siyang tunay na karapat-dapat pakinggan.Sa madaling sabi, tagapagsuri at hindi kalaban ng gobyerno ang COA. Totoo, may ilan na nagkukulang, ngunit mas marami ang tapat sa tungkulin. Ang reporma ni Cordoba ay isang hakbang upang mapanatili ang kredibilidad ng ahensya at maipakita na ang tunay na pagbabago ay nagsisimula sa sariling hanay.
