INIIMBESTIGAHAN na ng Office of the Ombudsman si Commission on Audit (COA) Commissioner Mario Lipana kaugnay sa kontrobersyal na pagpasok umano ng kanyang misis sa mga proyekto ng gobyerno, kabilang ang flood control projects.
Kinumpirma ito ni Quezon Rep. Mike Tan, sponsor ng budget ng Ombudsman, sa deliberasyon ng Mababang Kapulungan. Sagot ito sa matinding pangungulit ni ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, na matagal nang bumabatikos kay Lipana.
Ayon kay Tinio, nilalabag ni Lipana ang Saligang Batas, pero hanggang ngayon ay nananatili ito sa puwesto. Ang asawa umano nitong si Marilou Laurio-Lipana, may-ari ng Olympus Mining at Builders Group Philippine Corp., ay direkta raw nakakuha ng mga proyekto sa gobyerno — bagay na malinaw na ipinagbabawal ng batas.
Lalo pang lumala ang isyu nang idawit siya ni dating Bulacan District Engineer Henry Alcantara, na nagsabing mismong si Lipana ang humingi ng listahan ng proyekto sa Bulacan First District Engineering Office. Kalaunan, nakopo umano ng misis nito ang P1.2 bilyong halaga ng kontrata. Itinuturing itong isang impeachable offense.
Samantala, ayon sa ulat ni COA Chairman Gamaliel Asis Cordoba, naka-medical leave si Lipana hanggang katapusan ng buwan at kasalukuyang nagpapagamot sa Singapore. Pero payo ni Rep. Leila de Lima ng Mamamayang Liberal Party-list, mabuti pang kusang magbitiw na si Lipana bago pa tuluyang masampahan ng impeachment case.
(BERNARD TAGUINOD)
104
