NAKAPASA sa second reading ng Senado nitong Lunes ang panukalang batas para sa pagbuo ng trust fund ng coconut farmers sa bansa sa pamamagitan ng pagbebenta ng assets na nabili gamit ang coco levy fund, ayon kay Senador Cynthia Villar.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 1396 o “Coconut Farmers and Industry Trust Fund Act,” inaatasan ang pamahalaan na ipagbili ang P75 bilyong coconut levy assets sa susunod na limang taon upang makabuo ng trust fund para sa coconut farmers.
Sinabi ni Villar, chairperson ng Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform at principal sponsor ng panukalang batas na kapag naisabatas ito, mabibiyayaan nito ang may 3.5 million coconut farmers mula sa 68 coconut producing provinces.
Ang mga ito na may-ari ng hindi tataas sa 5 ektaryang sakahan ay kabilang sa pinakamahirap na sektor sa bansa.
“The coconut farmers are the poorest in the country. They earn only about P1,500 a month. This fund which rightfully belongs to the coconut farmers, should be plowed back to them for their own direct benefit,” ayon kay Villar.
Inaasahan na ipapasa ng Senado sa third at final reading ang coconut levy bill sa kanilang sesyon sa Miyerkoles.
Kumpiyansa rin si Villar na agaran itong maisasabatas dahil natugunan na ang ‘concerns’ sa dating na-veto na bersyon ng panukalang batas.
Ayon kay Villar, kapag naisabatas, agad na ililipat ng Bureau of Treasury ang P10 billion sa trust fund; P10 billion sa second year; P15 billion, third year; P15 billion, fourth year; at P25 billion sa fifth year. (ESTONG REYES)
