CODE RED VS COVID-19

State of Public Health Emergency idineklara ni PDu30

ITINAAS ng Department of Health (DOH) sa Code Red Sublevel 1 ang kanilang alerto kasunod ng kumpirmasyon na may localized transmission na ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.

Bukod dito, nakumpirma rin ng ahensya ang ikaanim na kaso ng virus sa isang Pinoy.

Sa isang pulong balitaan kahapon, kinumpirma ni Health Secretary Francisco Duque III na ang ikaanim na kaso ng sakit ay nakita sa 59-anyos na misis ng ikalimang pasyente ng COVID-19, na isang 62-taong gulang na lalaki mula sa San Juan City at wala ring travel history sa labas ng bansa.

Aniya, ang 6th case ng virus ay nakaranas ng ubo na hinihinalang nahawa sa kanyang mister. Na-admit umano ang 6th case sa Research Institute of Tropical Medicine (RITM) noong Marso 5 matapos makaranas ng ubo at nasa maayos nang kondisyon sa ngayon.

“The DOH confirms that the previously reported 5th case of coronavirus disease 2019 or COVID-19 as the first case of local transmission in the country after verification with the Bureau of Immigration showed that the patient had no recent travel history,” ani Duque. “DOH also reports that the patient’s wife tested positive for COVID- 19 after contact tracing activities were prompted. This brings the total number of COVID-19 cases in the country to six.”

Samantala, kinumpirma rin ni Duque na ang mister ng ikaanim na pasyente ay may hypertension at diabetes, nagkaroon ng severe pneumonia at nasa kritikal na kondisyon pa rin sa ngayon.

Kaugnay nito, tiniyak naman ni Duque na higit pa nilang pinaigting ang pagsasagawa ng contact tracing sa mga taong nakasalamuha ng mga pasyente upang maisalalim sa pagsusuri.

Ayon naman kay Health Assistant Secretary Maria Rosario Vergeire, sa ngayon ay sinimulan na nila ang testing sa nasa 29 indibidwal na natukoy ng DOH na nagkaroon ng close contact sa mga bagong kaso ng virus.

Aniya, para sa 4th case ng virus, na isang 48-year old na abogado na may travel history sa Japan; siyam na katao ang natunton nila at nakuhanan na ng specimens upang masuri, habang sa 5th case naman ay mahigit 20 na mga tao na aniya ang iniimbestigahan sa ngayon.

Sa ilalim ng Code Red, inirekomenda ng DOH kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pagdedeklara ng public health emergency sa bansa.

Mabilis namang nilinaw ni Duque na ito’y preemptive call lamang upang matiyak na ang national at local governments, maging ang mga public at private health care providers ay handang-handa para sa posibleng pagdami ng suspected at confirmed COVID-19 cases.

“At this stage of localized transmission, intensified contact tracing and home quarantine of close contacts of confirmed cases, improved hospital preparedness, enhanced Severe Acute Respiratory Illness surveillance, and activation of other laboratories outside of RITM to increase capacity to diagnose are now being implemented,” ani Duque.

Hudyat din aniya ito sa lahat ng concerned agencies, LGUs at health care providers na maging handa sa pagpapatupad ng planadong response measures. DAHLIA S. ANIN

DEKLARASYON NG PALASYO

Inaprubahan naman ni Pangulong Duterte na magdeklara ng State of Public Health Emergency matapos ang kumpirmasyon ng DOH sa local transmission ng COVID-19 sa bansa.

“Pursuant to the recommendation of the DOH and my suggestion as Chair of the Senate Committee on Health, President Rodrigo Duterte has agreed to issue a declaration of a State of Public Health Emergency due to the confirmation of a local transmission of COVID-19 in our country,” ani Go.

Ayon sa senador, ang deklarasyon ang magpapadali ng access sa pagpondo at pagtugon sa isyu partikular na para sa LGUs. “Under Republic Act (RA) 10121, such declaration allows the LGUs to utilize their local disaster risk reduction management funds,” anito.

Kapag isinulong aniya ng Pangulo ang nasabing deklarasyon ay magsisilbi itong basehan para sa posibleng price freeze sa ilalim ng RA 7581 o Price Act.

Hinikayat ni Go ang lahat ng mamamayan, residente, turista at establishment owners na kumilos ayon sa batas at sumunod sa direktiba at advisories na naaayon sa batas na ipalalabas para maiwasan ang paglaganap ng COVID-19.

Irerekomenda rin niya sa Pangulo ang paglikha ng crisis committee sa pamamagitan ng pagpapalawak ng membership ng Inter-Agency Task Force (IATF) na isama ang iba pang instrumentalities ng pamahalaan kabilang na ang LGUs, para labanan ang posibleng paglaganap ng nasabing sakit. CHRISTIAN DALE

KINUWESTYON

Nagpahayag naman ng pagdududa si Senador Panfilo Lacson sa report ng DOH hinggil sa COVID-19 sa gitna ng pagkwestyon nito sa suplay ng testers.

“Do we have enough testers to cover a decent number of our population, especially in the more vulnerable areas of the country? If no, the DOH may be underreporting, albeit unintentionally,” saad ni Lacson.

Dahil dito, iginiit ng senador na dapat pang mag-invest ang gobyerno sa pagtukoy sa tunay na lunas sa naturang sakit.

Isinusulong naman ni Senador Win Gatchalian ang resolusyon na humihikayat sa economic managers na magsagawa na ng assessment sa epekto ng virus sa ekonomiya. DANG SAMSON-GARCIA

POSITIBO SA TAGUIG

Naglabas ng official statement ang isang kumpanya sa Bonifacio Global City (BGC) Taguig hinggil sa isang empleyado nila na nagpositibo sa COVID-19.

Sa pahayag ng kumpanyang Deloitte, nagpapagaling na umano ang empleyado nila sa isang ospital.

Tiniyak ng Deloitte na ibinibigay ng kumpanya ang karampatang suporta sa pasyenteng hindi muna isinapubliko ang pangalan habang isinasailalim ito sa karagdagang mga test.

Kasunod ng pagpapaospital sa kanilang empleyadong naapektuhan ng COVID 19 ay gumagawa na rin umano sila ng hakbang para matukoy ang mga nagkaroon ng direct contact dito. DAVE MEDINA

UNANG KASO SA CAINTA

KINUMPIRMA ni Atty. Ellen Nieto, pangulo ng Filinvest Subd. sa bayan ng Cainta, lalawigan ng Rizal na isang residente rito ang nagpositibo sa COVID-19.

Bilang tugon, pinapunta ni Mayor Kit Nieto ang municipal health department head na si Dr. Ed Gonzaga para magawan ng kaukulang aksyon at maiwasan ang posibleng pagkahawa ng ibang residente.

Agad ding iniutos ng alkalde na mag-disinfect sa neighboring areas, “at least 600-meters ang distance from the house para kung magkaroon man ng contamination ay ma-control natin”.

Namahagi na rin ang local government ng face mask at disinfectant sa mga katabing residente ng hindi na pinangalanang pasyente. KNOTS ALFORTE

APELA SA DEPED

Nanawagan naman kahapon si Mayor Toby Tiangco sa Department of Education (DepEd) na kung maari ay awtomatikong ipasa ang lahat ng mga estudyante ngayong school year kasunod ng ulat ng mga bagong kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa.

“Ang Department of Health ay naglabas ng update na nagsasaad na mayroon na tayong dalawang bagong nakumpirma na kaso ng COVID-19 at parehong Filipino. Ang virus ay maaaring mabilis na kumalat, lalo na sa mga mataong lugar tulad ng mga paaralan,” aniya.

Sinabi pa ni Tiangco na may isang kagyat na pangangailangan upang maipatupad ang mga proactive measure para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

Samantala, kinumpirma ng City Health Office na wala pa silang under monitoring or investigation ng COVID-19 sa Navotas. ALAIN AJERO

200

Related posts

Leave a Comment