INABISUHAN ng Commission on Elections (Comelec) ang mga piling indibidwal kaugnay sa local absentee voting na itinakda sa Abril para sa 2025 elections.
Sinabi ng Comelec na lahat ng government officials at empleyado kabilang ang mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) at media practitioners kasama ang kanilang technical at support staff na pansamantalang naka-assign para gampanan ang kanilang election duties o para ikober ang pagsasagawa ng halalan, ay maaring ma-avail ang local absentee voting para sa botohan ngayong taon.
Ang government officials at miyembro ng AFP at PNP ay maaaring maghain ng kanilang aplikasyon nang hindi lalagpas ng Marso 7, 2025.
Ayon sa Comelec, maaari silang maghain sa kanilang head offices, supervisors, commanders o officers na next-in-rank.
Para sa mga miyembro ng media, maaari rin silang maghain ng kanilang aplikasyon nang hindi lalampas sa Marso 7, 2025.
Maaari silang maghain ng kanilang aplikasyon sa Office of the Regional Election Director – National Capital Region para sa mga nasa Metro Manila; ang Opisina ng Halalan ng Lungsod para sa mga HUC o mga independiyenteng lungsod sa labas ng NCR; o ang Office of the Provincial Election Supervisor para sa mga lugar na hindi nabanggit sa itaas.
Ang Local Absentee Voting ay gaganapin sa Abril 28, 29, at 30 dakong alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon. (JOCELYN DOMENDEN)
![](https://saksingayon.com/wp-content/plugins/dp-post-views/images/eyes.png)