‘COMMUNICATION VACUUM’ ITINANGGI NG PALASYO

WALANG ‘communication vacuum’ matapos magsara ang ABS-CBN.

“There is none”. Ang tugon ni Presidential spokesperson Harry Roque sa tanong kung may “communication vacuum” matapos ipasara ang giant TV network na sana’y nakatulong sa pagbibigay ng impormasyon sa epekto ng paghagupit ng super typhoon Rolly.

Sa Laging Handa special press briefing, sinabi ni Sec. Roque na “Sa tingin ko po, nagbibigay pugay po tayo lalung-lalo na sa PTV (People’s Television) reporters, sa PIA (Philippine Information Agency). Gumagana po ‘yung communication infrastructure ng gobyerno sa panahon ng aberya so sa tingin ko po wala namang vacuum.”

“Nandyan din po ang ating mga pribadong news agencies, nandyan po ang TV5, nandyan po ang GMA-7 at nandyan po ang mga matatapang, magagaling, masisipag na reporters ng radyo so sa tingin ko naman po wala pong nagkaroon ng communication vacuum,” ayon kay Sec. Roque.

Matatandaang ibinasura ng Kamara ang aplikasyon ng ABS-CBN para sa bagong prangkisa nito.

Nasa 70 mambabatas ang bumoto pabor sa resolusyon ng binuong technical working group na nirekomendang huwag bigyan ng prangkisa ang ABS-CBN, kumpara sa 11 na tumutol dito. Dalawa naman ang nag-inhibit at isa ang nag-abstain.

Nagmula ang mga mambabatas sa House committee on legislative franchises at mga lider ng Kamara na ex-officio members.

Labing-dalawang beses humarap sa Kamara ang mga opisyal ng ABS-CBN para manawagan ng bagong prangkisa na makapag-operate alang-alang sa 11,000 manggagawang nakadepende sa network.

Mayo 5 nang ipatigil ng National Telecommunications Commission ang pag-broadcast ng ABS-CBN, isang araw matapos mapaso ang prangkisa nito.

Bago ito, ilang taong inupuan sa Kongreso ang aplikasyon ng ABS-CBN para sa bagong lisensiya.

Sa 12 franchise hearing ng Kamara, isa-isang sinagot ng ABS-CBN ang mga paratang na ipinupukol sa kumpanya. (CHRISTIAN DALE)

131

Related posts

Leave a Comment