RAPIDO NI TULFO
TINOTOO ni DOJ Sec. Crispin “Boying” Remulla ang banta nito na ipadedeklarang terorista si Negros Oriental Arnolfo “Arnie” Teves matapos masangkot sa pagkamatay ni Gov. Roel Degamo sa kanilang lalawigan.
Matatandaang pinagtawanan lang ni Teves ang pahayag ng kalihim pero sa isang resolusyon na inilabas kahapon lamang ng Anti-Terrorism Council (ATC), binansagang terorista ang suspendidong mambabatas kasama ang kapatid nitong si Pryde Henry Teves.
Bukod sa magkapatid na Teves, kasama rin sa ATC Resolution No. 43, na pinangalanan ng naturang ahensya na Teves Terrorist Group, ang mga tauhan nito at mga akusado rin sa pagpatay sa gobernador, na sina Marvin H. Miranda, Rogelio C. Antipolo, Rommel Pattaguan, Winrich B. Isturis, John Louie Gonyon, Dahniel Lora, Eulogio Gonyon Jr., Tomasino Aledro, Nigel Electona, Jomarie Catubay, at Hanna Mae Sumero Oray.
Nakasaad sa resolusyon na si Pryde Henry at Electona ang nagbigay ng material support sa operasyon ng grupo, samantalang si Oray ang nangangasiwa ng pondo at si Miranda naman na sinasabing isa sa mga bodyguard ng kongresista, ang naging organizer at recruiter ng mga tauhan para sa mga pag-atake.
Ayon sa ATC, nilabag daw ni Teves at ng mga akusado na kasama sa grupo, ang ilang probisyon sa Anti-Terrorism Act of 2020 partikular na ang sektion sa akto ng pagpaplano, pag-recruit, pagsasanay at paghahanda sa pagsasagawa ng terorismo kasama na ang materials support para sa gawain ng grupo.
Idinagdag pa ng ATC, na ang grupo raw ni Teves ay may kinalaman sa iba’t ibang uri ng karahasan na naging sanhi ng pagkamatay ng ilang mga residente ng Negros Oriental at nagdulot ng pangamba sa lalawigan.
At dahil nga dito, magkakaroon na ng kapangyarihan ang gobyerno na kumpiskahin ang pera at assets ng mga Teves, liliit na rin ang mundo ng mambabatas dahil sa resolusyong ito. Sa pinakahuling ulat, nagtatago raw sa bansang Timor Leste si Arnie Teves.
