CONG. ZALDY CO PINATUTUGA SA ‘SMALL COMMITTEE’

SA gitna ng kabiguang mailabas ng House committee on appropriations ang report ng small committee kung saan umano naganap ang dagdag-bawas sa 2025 national budget, nararapat na magsalita na si Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co.

Ito ang iginiit ni Navotas Rep. Toby Tiangco kahapon matapos madismaya sa unang araw ng pagdinig ng 2026 National Expenditure Program (NEP) dahil hindi naibigay ng komite ang hinihingi nitong report ng small committee.

“Basta ang maliwanag ngayon, wala talaga yung report (ng small committee) so kailangang gawin ngayon, ang liderato ng House tawagan si Congressman Zaldy dahil siya po ang chairman ng small committee at that time,” ani Tiangco.

Si Co ang dating chairman ng Appropriations committee nang balangkasin ang 2025 national budget at italaga ring chairman ng small committee at apat lamang umano sila kabilang si dating Appropriations Senior Vice Chairman Estella Quimbo, House Majority Leader Jose Manuel “Manix” Dalipe at House minority leader Marcelino Libanan.

Hiningi ng mambabatas ang report ng small committee dahil sa paniniwala na nagkaroon ng pagbabawas sa pondo ng mga ahensya ng gobyerno na inilipat sa ibang departamento subalit hindi inireport sa plenaryo at maging sa publiko.

“Simula bukas tatanungin namin sa mga ahensya papaanong nagastos yung mga pondong inilaan sa inyo noong isang taon. Di ba bago kami magtanong, alam din kung papano nabawasan, paano nadagdagan (ang ahensya ng gobyerno),” ayon pa sa mambabatas.

Samantala, sinabi naman ni ML party-list Rep. Leila De Lima, hindi papayagan ng mga ito na mahokus-pokus ang pambansang pondo sa 2026 upang masiguro na mapakinabangan ito ng mamamayang Pilipino.

94

Related posts

Leave a Comment