CONGRESS: SC DECISION MAHALAGA SA NEXT MOVE SA VP IMPEACHMENT

KINALAMPAG ng isang House leader ang Korte Suprema upang agad resolbahin ang motion for reconsideration (MR) na inihain ng Kamara kaugnay ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte na una nang idineklarang unconstitutional.

Ayon kay Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon, mahalagang maglabas na ng pinal na desisyon ang Korte Suprema upang maliwanagan ang Kongreso at publiko sa susunod na mga hakbang kaugnay ng impeachment proceedings.

“We urge the Supreme Court to decide on the matter with finality, in order for constitutional bodies such as the House and the Senate, as well as the public, to determine their next course of action on public officers who may only be removed through impeachment,” pahayag ni Ridon.

Noong Hulyo 25, 2025, kinansela ng Korte Suprema ang impeachment case laban kay Duterte. Iginiit ng korte na ang kasong inakyat sa Senado noong Pebrero 5, 2025 ay binalewala ang nauna umanong reklamo na inihain noong Disyembre 2024, na sakop ng one-year bar rule.

Nagpetisyon ang Kamara para sa MR, ngunit mahigit dalawang buwan na ang nakalipas at wala pa ring inilalabas na pinal na desisyon ang Supreme Court. Bunsod nito, aniya, nananatiling nakabinbin ang anomang aksyon ng Kongreso, gayundin ang panawagang panagutin si Duterte sa umano’y ilegal na paggastos sa intelligence funds at pagbabanta sa buhay ng Pangulo, Unang Ginang at dating House Speaker.

“Only after the Supreme Court resolves the MR can the House directly look into impeachable acts of the Vice President,” ani Ridon.

Ipinaliwanag ni Ridon na kapag pumanig ang Supreme Court sa Kamara, tuloy ang impeachment trial. Kung matalaga naman ang desisyon laban sa MR, maaari umanong magsimula ang panibagong impeachment complaint simula Pebrero 6, 2026, pag-expire ng isang taon mula nang ma-impeach ang pangalawang pangulo.

(BERNARD TAGUINOD)

78

Related posts

Leave a Comment