CONSPIRACY THEORY SA LIKOD NG PASTILLAS

BISTADOR Ni RUDY SIM

TEORYA ng pagsasabwatan ang posibleng dahilan ng nagmistulang sacrificial lamb ng pamahalaan sa ilang opisyales at tauhan ng Bureau of Immigration (BI) makaraang mag­-kasunod na naglabas ang Office of the Ombudsman ng desisyon upang sampahan ng kasong graft sa Sandiganbayan at “dismissal from the service” o tuluyang masibak na sa serbisyo ang mga isinangkot sa Pastillas scheme na tila minadali upang ipakita sa publiko ang hindi pagkunsinti “kuno” ng outgoing administration sa katiwalian.

Mahalaga sa aming mga miyembro ng media ang patas na pamamahayag at malalimang pag-iimbestiga sa mga katiwa­liang nangyayari sa ating gob­yerno ngunit minsan lalo sa panahon ngayon ay tanging sa social media namumulot ng detalye ang karamihan sa aming mga kabaro kaya’t nagkakaroon ng “maling impormasyon” ang publiko ukol sa bawat kuwento na nagresulta at nagkakaroon ng “collateral damage” dahil sa kakulangan ng “investigative journalism.”

Minsan ay napapahanga tayo sa ilang pulitiko na inakala nating makabayan sa kanilang ginagawang pag-imbestiga sa mga katiwaliang nangyayari sa bawat ahensya ng ating pamahalaan. Isa na marahil ang BI sa madalas na nagiging pulutan ng mga ito kaya’t ang ahensya ay dapang-dapa na tila pinagsamantalahan dahil sa paggamit ng mga pulitiko para sa kanilang pansariling interes na makakuha ng simpatya sa mga tao at makuha ang gusto sa kanilang political career.

Ano nga ba ang pinag­mulan ng Pastillas? Ang Tourism Department sa panahon ni Secretary Wanda Teo ay nagkaroon ng project, ang Visa Upon Arrival para sa Chinese nationals na ipinatupad ng BI upang mapalakas ang ating turismo. Hanggang sa itinalaga noon ni DOJ Secretary Vitaliano Aguirre si Red Mariñas bilang hepe ng BI-Port Operations Division, kung saan naging mitsa ang umanoy “bukulan” ng ilang IOs sa perang kinikita rito kaya’t sumabog ang Pastillas scam.

Sa una pa lamang ay nagkaroon ng bangayan sina Aguirre at BI Commissioner Jaime Morente tungkol sa pagtatalaga ng kanilang mga tauhan ngunit sa huli ay naayos din. Hanggang sa inalis ni Morente sa kapangyarihan ng BI-POD ang TCEU at inilipat ito sa kanyang tanggapan. Ang pastillas kaya ang ginamit na paraan upang malinlang ang publiko at maagaw ng magkaka­labang grupo at masolo ang “kita” sa pagpapasok ng mga Chinese sa bansa?

Kung ang pagbabasehan natin ay ang umano’y P10K bribe money na tinawag na Pastillas ay “barya” lamang ito at walang sinabi sa posibleng kinita ng “Commissioner” sa pagbawi ng “Exclusion Order” ng Chinese nationals na hinarang ng Immigration officers na ginawa lamang ang kanilang trabaho. Magkano kaya ang kinita ng BI sa “Recall of Exclusion Order” na tanging ang Commissioner ang may  kapangyarihan? Napunta kaya ito sa pondo ng gobyerno o sa bulsa ng ilan? Bakit kaya hindi ito isiniwalat ni Sen. Hontiveros?

(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay ­sariling opinyon ng sumulat at hindi ­saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

218

Related posts

Leave a Comment