CONSTRUCTION SITE INATAKE NG NPA

IPINAG-UTOS ni Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Guillermo Lorenzo T. Eleazar na paigtingin ang pagtugis laban sa umatakeng mga miyembro ng New People’s Army (CPP-NPA) sa Surigao Del Sur na nanunog ng heavy equipments, na nagresulta sa pagkamatay ng isang sibilyan at ikinasugat ng dalawa pa.

Ayon kay Gen. Eleazar, humigit kumulang 20 rebeldeng komunista ang umatake noong Huwebes sa construction site ng MR1 sa Purok 2, Barangay Zone 2, bayan ng Lanuza.

Pinaslang ng mga miyembro ng CPP/NPA Northeastern Mindanao Regional Committee-Guerrilla Front 30 ang site caretaker na si Eldrin Daraman at sinugatan ang dalawa pang construction workers.

Hindi pa nakuntento ang mga rebeldeng komunista at sinunog pa ang dalawang backhoe ng kumpanya matapos tumanggi sa tangkang pangingikil.

Nakasagupa ng CPP/NPA ang mga elemento ng Lanuza Municipal Police Station, Surigao Del Sur 2nd Provincial Mobile Force Company, at 36th Infantry Battalion bago tumakas ang mga ito.

“I strongly condemn this senseless attack perpetrated by CPP/NPA rebels. Wala talagang alam ang mga rebeldeng ito kung hindi ang magdulot ng gulo, karahasan at kamatayan sa ating mga komunidad,” ayon kay Gen. Eleazar.

“Again, these communist rebels attacked non-combatants and another innocent life was lost, Eldrin Daraman, because of their atrocity. May dalawa pang inosenteng sugatan sa pag-atake ng rebeldeng grupo. Patunay ito na nagsisinungaling ang CPP/NPA noong sinabi nilang hindi sadya ang pagkakapaslang nila sa Absalon cousins sa Masbate City,” ani Gen. Eleazar.

Binigyang diin pa ni Gen. Eleazar na ang pag-atake sa construction site ay paglabag sa International Humanitarian Law at Republic Act 9851 o ang Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide and other Crimes Against Humanity na nagsasabing anumang direktang pag-atake laban sa mga sibilyan o indibidwal maging sa anumang kagamitan nito, ay itinuturing na paglabag.

Aniya pa, “Sa ginagawa ng mga rebeldeng komunista na pag-atake sa mga sibilyan, kasama na rito ang paggamit ng land mines, pinatutunayan nila na wala silang respeto sa International Humanitarian Law.” (JESSE KABEL)

152

Related posts

Leave a Comment