INIHAIN ni Sen. Grace Poe ang panukala na nagsusulong ng proteksyon sa mga konsyumer laban sa mga cybercrime tulad ng ‘skimming’ at ‘phishing’ na umabot na sa all-time high dahil pawang online na ang mga transaksyon sa gitna ng pandemya.
Layon ng “Bank Account, E-wallet, and Other Financial Accounts Regulation Act” o Senate Bill No. 2380 na magpatupad ng matatag at epektibong financial system at bigyang proteksyon ang publiko laban sa mga cybercriminal at sindikato na tumatarget sa bank accounts at e-wallets.
“Sa ilalim ng panukalang ito masisiguro natin na maiingatan ang pinaghirapang kita ng publiko at mapananatili ang tiwala at kumpiyansa ng ating kababayan sa kasalukuyang financial system sa patuloy na mga pagbabago at reporma sa cyberspace,” pahayag ni Poe.
Batay sa tala ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), 98.4 porsyento ng krimen at pagkalugi na iniulat ng mga bangko mula Marso 15 hanggang Mayo 18, 2020 ay pawang naganap online at umaabot na sa P60.6 milyon.
Sa kabilang dako, iniulat ng Philippine National Police (PNP) Anti-Cybercrime Group na tumaas ng 37 porsiyento ang mga online scam mula Marso hanggang Setyembre 2020 kumpara sa kaparehong panahon noong 2019.
“Sa pamamagitan ng mga digital platform, naging posible ang pagpapatuloy ng ating ekonomiya subalit kaakibat nito ang oportunidad para sa mga krimen. Dahil dito, kailangan natin ng matibay na proteksiyon hindi lamang upang maiwasan ang anomang criminal activity kundi para rin mabuksan ang buong potensyal ng digital platforms,” paliwanag ni Poe, chairperson ng Senate committee on banks, financial institutions and currencies. (ESTONG REYES)
141 