PRO HAC VICE Ni BERT MOZO
KABALIGTARAN sa iniisip ng ilang grupo ang magiging epekto ng container monitoring policy na ipinatutupad ng Philippine Ports Authority (PPA).
Ito ang inihayag ni Ginoong Eugenio Ynion, President/CEO ng Cebu City-based Nextix, Inc./Shiptek Solutions Corp. joint venture (JV), kasunod ng apela ng iba’t ibang grupo sa PPA na ipawalang-bisa ang Administrative Order o AO No. 04-2021 na nagtatakda ng mga polisiya sa pagpaparehistro at pagmo-monitor ng mga container sa pamamagitan ng isang technology solution.
Ang AO ay nilagdaan ni PPA General Manager Jay Daniel Santiago noon pang September 2021.
Kung hindi ako nagkakamali, naigawad na sa JV ang P877.600 milyong halaga ng kontrata para sa Trusted Operator Program-Container Registry Monitoring System (TOP-CRMS) at empty container storage shared service facility design specifications and implementation project.
Ang contract agreement ay nilagdaan na ni Santiago at ng nasabing kompanya noong Mayo 2.
Tinututulan naman daw ng grupo na kinabibilangan ng mga shipping companies, truckers, exporters, at customs brokers ang sistema dahil hindi na raw saklaw ng PPA ang movement o galaw ng mga container na dumadaan sa mga international port na sinasabing nasa awtoridad nito tulad ng mga pinamamahalaan ng Cebu Ports Authority, Cagayan Economic Zone, Poro Point Management Corp., at iba pa.
Sa pamamagitan ng AO ni Santiago, inoobliga ang industriya na iparehistro at i-monitor ang lahat ng container vans na dumarating at umaalis sa mga pantalan na saklaw ng PPA.
Imo-monitor din ang scheduling, loading, unloading, release, at movement ng mga container.
Isinusulong sa sistemang ito ang container identification, accountability, at protection program alinsunod na rin sa international standards.
Kasama raw sa mga kumokontra rito ay ang Confederation of Truckers Association of the Philippines ni Mary Zapata; Inland Haulers and Trucking Association (INHTA) ni Teodorico Gervacio;
Haulers and Truckers Association in the Watersouth Inc. ni Don Manebo, at Professional Customs Brokers Association of the Philippines Inc. ni Reynaldo Soliman.
Para sa kanila, aba’y trabaho raw ito ng Bureau of Customs (BoC) at hindi ng PPA.
Sinasabing naglabas na raw ng sariling monitoring policy ang BOC noon pang Agosto 2019 sa pamamagitan ng Customs Administrative Order No. 08-2019.
Dahil dito, magkakaroon raw ng redundancy o duplikasyon sa trabaho, bagay na itinanggi ni Ynion.
Ayon kay Ynion, hindi lalabagin ng polisiya ang Ease of Doing Business Act lalo pa’t ang layunin nito ay magkaroon ng transformation mula sa manual patungong automation.
Sinabi ni Ynion na maihahalintulad ito sa automated election na mas efficient kumpara sa manu-manong bilangan.
Hindi rin daw labag sa National Competition Policy ang AO at ang malinaw dito’y magkakaroon pa aniya ng mas maraming transactions ang mga trucker dahil online na ang kanilang gagawin.
Tungkol naman sa pinangangambahang inefficiencies at posibleng pabigat ito sa mga consumer at negosyo, lalo na ng micro, small and medium enterprises (MSMEs), aba’y malabo ito.
Paano magiging pasanin sa kanila kung matatanggal naman na ang P15,000-P30,000 per container deposits dulot ng proyektong ito?
Sa pamamagitan nito’y mapapabilis pa ang usad ng mga container sa mga pantalan kaya’t pabor ito sa lahat.
Bukod pa rito, malinaw pa sa sikat ng araw na magbubukas din ito ng transparency at accountability sa kanilang hanay na kinatatakutan ng ilang sektor na maaaring tamaan dito.
530 