CONVERGE ICT SOLUTIONS INC. DINADAGSA NG REKLAMO

MARAMING nakarating na reklamo sa PUNA laban sa CONVERGE ICT SOLUTIONS INCORPORATED na isa sa kilalang high speed internet provider sa bansa.

Nang magkaroon ng pandemya ng Covid-19 sa bansa at karamihan ay naging ‘work from home’ dahil sa kawalan ng pampublikong transportasyon, marami ang nangailangan ng internet connection hindi lang sa Metro Manila kundi pati sa mga karatig probinsiya.

Idagdag pa natin ang online class ng mga estudyante lalo na ang junior at senior high school sa private schools na nagsimula ang klase ngayong Setyembre.

Dahil dito, dumagsa ang mga aplikante sa CONVERGE pero sa halip na masiyahan sa serbisyo ay sumakit ang ulo ng karamihan sa kanilang mga subscriber.

Yung iba ay nagbayad na raw para agad-agad ay makabitan ng internet connection pero pagkatagal-tagal daw bago sila balikan at asikasuhin ng nabanggit na kumpanya.

Tanong ng marami lalo na yung mga kaibigan ng PUNA sa Cavite, Rizal at Caloocan City, bakit daw tinanggap ng CONVERGE ang kanilang mga bayad gayung hindi naman sila agad bibigyan ng pangakong mabilis na internet.

Kapag nagpa-follow-up naman daw ang subscribers sa apat na libong piso na ibinayad nila ay sinasabihan sila ng customers service na mag-hintay lang.

Maghintay hanggang kelan? Hanggang sa pagputi ng uwak? Ngayon kailangan ng inyong subscribers ang internet connection pero bakit ninyo pinatatagal at ipinagpapaliban?

Kung ganyan lang din, sana ay hindi nyo muna siningil o pinagbayad ang mga nagoyo ninyong subscriber kung hindi kayo siguradong makakapagkabit ng internet.

Umaasa pa naman sila na kapag nakapagbayad na ay isa hanggang dalawang linggo lang ay magkakaroon na sila ng internet connection. Pero buwan na ang inabot ay hindi pa rin sila nakakabitan.

Ang totoo, may mga nagrereklamo na buwan pa raw ng Hulyo sila nag-apply at nagbayad pero hanggang ngayon ay hindi pa rin sila nakakabitan ng internet.

Kung anu-ano pa raw ang dahilan o paasa ng mga taga-CONVERGE sa kanilang mga kustomer na nagpa-follow up kung kelan sila kakabitan ng internet.

Para sa CONVERGE ICT SOLUTIONS INCORPORATED kung hindi nyo na kaya ‘wag muna kayong tumanggap ng aplikante o bayad mula sa mga gustong magkaroon ng internet connection.

Kaya tuloy ang mga nagbayad sa inyo mula sa Brgy. 171 Bagumbong, Caloocan ay galit na galit na sa inyo.

Dapat ay makialam na ang gobyerno sa reklamong ito sa Converge pangunahin na ang Department of Information and Communication Technology o DICT na pinamumunuan ni dating Senador Gregorio ‘Gringo’ Honasan.

Binibigyan po na natin ng pagkakataon ang CONVERGE ICT SOLUTIONS INC. na sagutin nila sa pamamagitan ng espasyong ito ang mga reklamo laban sa kanila ng kanilang mga costumer na bayad na.

Hindi na kasi sila naniniwala sa inyong mga paliwanag sa tuwing nagpa-follow up sila dahil puro lang daw kayo paasa, wala namang nangyayari.

 

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyong mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com

264

Related posts

Leave a Comment