NAGWAKAS sa kamatayan ang siyam na taong pagtatago ng isang convicted rapist na miyembro ng kidnap for ransom group, nang mauwi sa enkuwentro ang isinagawang law enforcement operation ng mga tauhan ni PNP-Anti kidnapping Group Director P/BGen. Jonnel C. Estomo noong Sabado ng gabi sa Calamba, Laguna.
Ayon kay P/Maj. Ronaldo Lumactod, PNP-AKG spokesman, bandang alas-6:55 ng hapon noong Sabado, armado ng warrant of arrest, sinalakay ng AKG-IRAD, sa pamumuno ni P/Col. Cutiyog, ang pinangtataguan ng suspek na kinilalang si Arminio Elpidama Flores, sa Morning Field Subd., Goodwill Drive, Brgy. Canlubang, Calamba, Laguna.
Ngunit sa halip na sumuko, pinili nitong tumakas at makipagbarilan sa mga operatiba ng PNP-AKG, kasama ang ilang tauhan ng Calamba MPS, na nagresulta sa daglian nitong kamatayan.
Si Flores ay pakay ng dalawang warrant of arrest na inisyu ng dalawang hukom sa Laguna dahil sa kasong rape at sexual assault.
Ang suspek ay sangkot din umano sa ilang kaso ng kidnap for ransom at kasapi ng Tyrone Dela Cruz KFRG na kumikilos sa CALABARZON, PRO3 at Metro Manila areas.
Kabilang sa mga naging biktima ng pagdukot ng grupo ay sina Jayson Huang at Eliza Dela Cruz noong -Agosto 9, 2013, sa harap ng kanilang bahay sa National Highway, Brgy. Pansol, Calamba, Laguna.
Pinakawalan ang mga ito matapos magbayad ng P1.2 milyong ransom.
Nakuha sa napatay na suspek ang isang cal. 357 revolver na may mga bala at fired cartridges case, at isang plastic transparent sachet na hinihinalang shabu.
Nabatid na nagawa pang isugod sa Global Care Medical Center ang suspek para malapatan ng lunas ngunit idineklarang dead on arrival ni Dr. Newel Maquiran, attending physician ng nasabing ospital. (JESSE KABEL)
