AKSYON NI ATTY. DAVID CASTILLON
ANG reklamo ng isang aplikante laban sa kanyang recruitment agency ay nauwi sa parusang labindalawang taon na pagkakakulong ayon sa hatol ng Regional Trial Court sa Maynila. Nag-ugat ang lahat sa hindi pagkakaunawaan ng aplikante at may-ari ng ahensya. Siningil ng kumpanya ang aplikante para sa kanyang placement fee na nagkakahalaga ng P25,000.00 subalit siya ay hindi napaalis dahil nagkaroon ng problema ang kanyang employer.
Dahil sa pangyayaring ito, ang ahensya ay siningil ng aplikante para sa danyos perwisyo noong siya ay bumalik sa opisina upang bawiin ang kanyang mga dokumento. Nagpaliwanag ang may-ari ng kompanya sa totoong dahilan ng aberya sa kanyang pag-alis subalit hindi ito matanggap ng aplikante at basta na lamang ito lumayas. Siya ay nagbanta na magsasampa ng kaso laban sa ahensya at may-ari nito kapag hindi niya natanggap ang halaga na kanyang hinihiling.
Dahil hindi nagkasundo ang magkabilang partido, pormal na naghain ng reklamo ang aplikante sa Piskalya. Ito ay nakitaan ng sapat na basehan kaya umakyat sa korte ang kasong kriminal o illegal recruitment. Matapos ang pagdinig sa korte, hinatulang guilty beyond reasonable doubt ang may-ari ng agency dahil sa hindi pagpapaalis sa aplikante kahit nakapirma na ito ng employment contract. Napakabigat na parusang pagkakakulong sa loob ng labindalawang taon ang hatol ng korte.
Noong inilapit ang kasong ito sa aking tanggapan, agad kong napansin ang kakulangan sa legal na basehan upang parusahan ang may-ari ng ahensya. Isa nga bang krimen ang hindi pagpapaalis ng isang OFW kapag siya ay nakapirma na ng kontrata?
Ayon sa batas (RA 8042 at RA 10022), ito nga ay isang uri ng illegal recruitment na may parusang pagkakakulong lalo na kapag ang dahilan ng hindi pag-alis ng aplikante ay sinasadya o kasalanan ng ahensya. Subalit ang batas na ito ay mayroong “implementing rules and regulations” na kung saan ipinapaliwanag ang basehan ng kasong kriminal.
Maparurusahan lamang ang isang akusado kapag ganap nang “contracted” worker ang estado ng aplikante. Kahit nakapirma na sa kontrata ay hindi pa rin ito maituturing na contracted worker sapagkat ayon sa batas, ang kanyang dokumento ay dapat nakaproseso na sa tanggapan ng POEA. Ito ang dahilan kung bakit napawalang-sala ang may-ari ng ahensya. Maaaring may pananagutan ang kompanya sa nangyari subalit hindi makatarungan na makulong ang may-ari ng recruitment agency sa ganitong pagkakataon.
Kung kayo ay may mga katanungan na kailangan ng kasagutang legal, sumulat lamang sa “AKSYON NI CASTILLON” sa email address – castillon.lawoffice@gmail.com.
