ISINUSULONG ni Senate Majority Leader Juan Miguel “Migz” Zubiri ang imbestigasyon sa tripartite agreement ng mga lokal na pamahalaan para sa pagbili ng COVID 19 vaccines dahil karamihan ay hindi pa rin nalalagdaan at naka-hold.
Sa kanyang Senate Resolution 858, nais ni Zubiri na i-convene ang Senado bilang Committee of the Whole at imbestigahan ang National Task Force (NTF) against COVID-19 sa mga tripartite deals.
Binigyang-diin ng mambabatas na sa ilalim ng Vaccination Program Act of 2021, pinapayagan ang mga LGU na bumili ng sarili nilang bakuna.
Sa impormasyon ni Zubiri, nasa 42 lokal na pamahalaan ang nakapagpa-reserba na ng mga bakuna subalit marami pa rin ang hindi pa nalalagdaan ang kasunduan.
“It boggles the mind once again. Nandito na po ‘yung pondo. Ito po ay locally-sourced funding, ‘di po sa national government. Hindi na po natin kailangang mangutang. ‘Di na po kailangan mag-realign ng budget,” diin ng mambabatas.
Sa datos pa ni Zubiri, nasa 10 milyong doses ng bakuna ang inorder na ng mga LGU at ng may 300 private companies sa pamamagitan ng multi-party agreements subalit pending pa rin ang mga ito. (DANG SAMSON-GARCIA)
152 