CPP-NPA-NDFP, PERSONA NON GRATA SA 1,546 LGUs

TILA hindi lulubayan ng administrasyong Duterte ang mga komunistang organisasyon hangga’t hindi ito tuluyang nalilipol dahil maging ang 1,546 local government units (LGUs) ay kumilos na rin laban sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front of the Philippines (CPP-NPA-NDFP).

Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año, hanggang nitong Biyernes (Disyembre 11) ay umabot sa 1,546 LGUs ang naglabas ng desisyon na “bawala na” o “persona non grata” ang mga opisyal at kasapi ng CPP-NPA-NDFP sa kani-kanilang nasasakupan.

Batay sa rekord ng Department of the Interior and Local Government (DILG), ang 1,546 ay kinabibilangan ng 64 lalawigan, 110 lungsod at 1,372 munisipalidad.

Naglabas sila ng kanya-kanyang “resolution” sa pagdedeklarang persona non grata ang mga opisyal at kasapi ng CPP-NPA-NDFP.

Itinuring ng LGUs na “communist terrorist groups” (CTGs) ang CPP-NPA-NDFP, saad ni Año.

Bukod sa 1,546, nasa iba’t ibang antas pa ang 169 LGUs na nakatakdang maglabas ng parehong reslusyon laban sa CTGs.

Inilinaw rin ng kalihim na 12,474 barangay na nakapaloob sa 1,546 LGUs ang naglabas din ng hiwalay na resolusyong nagsasabing bawal sa kanilang lugar ang mga opisyal at kasapi ng CPP-NPA-NDFP.

Ang hakbang ng LGUs ay konektado sa kagustuhan ng administrasyong Duterte na ‘tapusin’ na ang pakikibaka ng CPP-NPA-NDFP dahil napakaraming kabataan at pangkaraniwang tao ang nasisira ang buhay at kinabukasan dahil sa ‘pangarap’ ni Jose Maria Sison na palitan ang umiiral na sistemang presidensiyal ng pamahalaang pinamumunuan ng kanyang pangkat.

Ayon sa DILG, umabot na sa 40,000 ang mga namatay na sundalo, pulis at sibilyan mula nang magsimula ang armadong pakikibaka ng CTGs.

Nagsimula ang pakikibaka ng CPP noong Disyembre 1968.

Ang aksyon ng mga pamahaalang lokal ay hiwalay pa sa plano ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na ipadiskwalipika sa Commission on Elections (Comelec) ang mga party-list ng Makabayan bloc sa Kamara de Representante dahil ang mga kongresista nito ay pawang mga kasapi umano ng CPP-NPA-NDFP.

Ang mga party-list na kabilang sa pangkat ng Makabayan bloc ay ang Bayan Muna, Gabriela Women’s, ACT Teachers at Kabataan.

Hangad ng AFP na hindi na makalahok sa eleksyong 2022 ang nasabing mga partido. (NELSON S. BADILLA)

156

Related posts

Leave a Comment