AYAW sana maniwala ng PUNA na napapabayaan na ni Secretary Alfonso Cusi ang kanyang trabaho bilang kalihim ng Department of Energy (DOE), kaya lang mukhang wala siyang nagagawa sa patuloy na pagsirit ng presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa.
Nitong nakaraang Linggo, nakita ng PUNA sa isang outlet ng Caltex sa Eastern Samar na sobrang mahal na ng kada litro ng mga produktong petrolyo.
Base sa pagkakasunod-sunod, umabot na ng P69.50 ang kada litro ng kerosene/gaas, P73.25 sa diesel, P80.08 sa silver/unleaded, at P80.51 sa premium.
Siyempre kasunod n’yan ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin na tulad ng mantika na tumaas ng P2 kada bote (bilog) na mula sa dating P30 ay naging P32 na ngayon.
Tumaas na rin ng P2 ang bawat 1/4 kilo ng asukal, maging brown man o puti, sa noodles ay may itinaas na P.50 cents, delata na P1, kape na P.50 cents hanggang P1 at ang tinapay na dating P2 ang bawat isa ay naging P3 na ngayon.
Humigit kumulang na sa isang libong piso ang bawat tangke ng 11 kgs. ng LPG at P260 naman ang maliit na tangke ng superkalan.
Isinisisi nila ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Subalit hindi kumbinsido ang taumbayan dahil kung ngayon man nagtaas ng mga produktong petrolyo sa world market ay hindi dapat agad awtomatikong magtataas ng presyo ang mga kumpanya ng langis sa Pilipinas.
Ayon pa sa kanila, may malalaking tangke ang mga kumpanya ng langis sa bansa na kanilang lagayan ng kanilang stocks ng mga produktong petrolyo.
May punto ang sinasabi ng ating mga tagasubaybay na hindi dapat agad nagtataas ng presyo ng kanilang mga produktong petrolyo ang mga kumpanya ng langis kung nagtaas man ang presyo nito sa world market.
Ang nangyayari po n’yan, binili ng mga negosyante ang kanilang mga produktong petrolyo sa murang halaga, tapos ngayon ibibenta nila sa mahal na presyo.
‘Tubong petrolyo’ yan na ‘di hamak na mas malaki pa sa ‘tubong lugaw’ ‘yan.
Ang pinakamalaking problema pa n’yan sa pagtaas ng mga produktong petrolyo ay parang kadena na sunod-sunod na ang pagtaas din ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Nabatid ng PUNA na nasa 125 dolyares na raw ang kada bariles ng Dubai crude.
At hindi pa ‘yan, humihirit na rin ang transport sector na magtaas din sila sa minimum na pamasahe mula P14-P15.
Ito naman ang hirit ni Cusi, magtipid daw sa paggamit ng mga produktong petrolyo.
Ganun lang ang sasabihin mo sa taumbayan na wala nang makain dahil sa dulot ng COVID-19, tapos ngayon heto na naman, walang humpay na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Sa tuwing ganitong may isyu ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo ay naiisip ko ang Petron na dating pagmamay-ari ng gobyerno na ibinenta ng nakaraang administrasyon.
Malaking tulong sana ito sa tuwing ganitong panahon na may isyu sa problema sa langis.
Ngayon pinag-iisipan ng gobyerno na magkaroon ng subsidy sa mga tsuper. Parang sinabi n’yong hayaan na lang ang mga kumpanya ng langis na basta-basta na lang sila magtaas ng presyo ng kanilang mga produkto.
Bakit hindi n’yo silipin kung kailan naubos ang kanilang stocks ng mga produktong petrolyo? At kung kailan dapat sila magtataas ng kanilang mga produkto.
Hindi ‘yung nagtaas ng presyo sa world market ngayon, ay magtataas din sila agad.
Pakiramdam tuloy ng taumbayan, niloloko sila ng mga kumpanyang ito.
Bakit ang Petro Gazz na pag-aari ng Villavicencio family sa kabila ng pagtataas ng presyo ng mga produktong petrolyo ay nagawa pa nilang magbaba ng kanilang mga produkto ng P5.85 sa diesel at P3.60 sa gasolina?
Nangangahulugan lamang po n’yan na kung gustong makatulong ng mga kumpanya ng langis sa taumbayan ay magagawa nila.
Ang mga nakaupo sa gobyerno ay walang pakialam sa taas-presyo ng mga produktong petrolyo kahit pa parang nagmumumog sa lakas humigop ng gas ang kanilang mga sasakyan dahil may gas allowance naman sila mula sa kanilang mga opisina.
Ang apektado rito ay ang mga ordinaryong Pilipino na tulad ng mga tsuper, manggagawa, magsasaka, mangingisda na halos hindi makakain ng tatlong beses sa isang araw.
Naisip n’yo ba ‘yan mga bossing? Esep-esep din sa kapwa pag may time.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0919-259-59-07.
