TADTAD ng saksak at wala nang buhay nang matagpuan ang isang Customer Care Assistant (CCA) sa isang hotel sa Cubao, Quezon City nitong Linggo, Hulyo 30, ng madaling araw.
Sa ulat ng Quezon City Police – District Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), kinilala ang biktima na si Bernalyn Tasi Regino, 24, residente ng Brgy. San Jose, Rodriguez, Rizal.
Sinabi sa ulat ng pulisya na tumakas ang lalaking kasama ng biktima na pumasok sa hotel. Inilarawan ang suspek na tinatayang 20 hanggang 25-anyos, kayumanggi ang kulay ng balat, nakasuot ng yellow ball cap, red T-shirt, black pants na may white stripes at katamtaman ang pangangatawan.
Ayon sa ulat ni Pssg. Alexiss Mace Jurado, CIDU investigator, ala-1:45 ng madaling araw nang matuklasan ang pamamaslang sa biktima ng crew ng Nice Hotel.Sinisiyasat pa ng mga tauhan ng CIDU ang krimen at upang mabatid ang pagkakakilanlan ng suspek. (PAOLO SANTOS)
