DAGDAG NA PASANIN SA PINOY

PETROLYO-12

LALONG mahihirapan ang mga Filipino na makabangon sa COVID-19 pandemic kung itutuloy ng gobyerno ang pagpataw ng karagdagang buwis sa mga produktong petrolyo.

Ito ang ibinabala nina Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate at Bayan Muna chairman Neri Colmenares, matapos lagdaan  ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order No. 113 na nagpapataw ng karagdagang import duties sa mga produktong petrolyo na hindi bababa sa 10%.

Ayon kay Zarate, tiyak na ipapasa lamang ng mga oil companies ang karagdagang buwis na ito sa mga consumer na magiging dahilan aniya ng pagtaas ng mga pangunahing bilihin kapag nagkataon.

“Grabe ang magiging impact nito sa mamamayan na dalawang buwan na walang maayos na pinagkakitaan at ang marami pa nga ay nawalan ng trabaho. Ang gagawin lang kasi ng mga kompanya ay ipapasa ang dagdag buwis na ito sa mamamayan,” ani Zarate.

Sinabi ng mambabatas na kahit sabihin pa  ng gobyerno na ang dagdag na buwis sa mga produktong petrolyo ay para sa panlaban sa COVID-19 ay hindi pa rin aniyang makatuwiran dahil ang mga consumer ang magdurusa sa bandang huli.

Ayon naman kay Colmenares, mistulang iginigisa ng gobyerno sa sariling mantika ang mamamayan sa bagong buwis na ito sa langis na babawiin sa kanila ang tulong na natanggap nila habang naka-quarantine.

“Natuwa tayo na nangako ng tulong ang gobyerno. Iyon pala babawiin sa atin sa pamamagitan ng dagdag na buwis. Ang binigay ng kaliwa, binawi ng kanan,” ayon pa kay Colmenares.

Dahil aniya sa dagdag buwis na ito, tiyak na  tataas  umano ang presyo ng langis at mga bilihin kasama na ang kuryente, LPG  at maging ang pasamahe kaya pasakit aniya ito sa mamamayan. BERNARD TAGUINOD

 

162

Related posts

Leave a Comment