ISANG taon at isang buwan na lang si Pangulong Rodrigo Duterte sa puwesto.
Ngunit, hindi pa nakararami ang Task Force Against Corruption (TFAC) ng nakakasuhang mga korap na opisyal at kawani ng pamahalaan sa Office of the Ombudsman (OMB).
Ang TFAC ay siyang binuo ni Pangulong Rodrigo Duterte upang imbestigahan at kasuhan ang mga korap na opisyal at kawani sa lahat ng yunit ng pamahalaan.
Pinamumunuan ito ni Justice Secretary Menardo Guevarra.
Kung hindi ako nagkakamali, tatlo pa lang ang nasasamapahan ng TFAC ng kaso sa OMB.
Palagay ko, kaya kakaunti ang nasasampahan ng mga kaso ng paglabag sa Anti – Graft and Corrupt Practices Act ay dahil naghahanap pa sila ng matibay at malakas na ebidensiya laban sa pinaniniwalaang mga korap na opisyal at kawani ng pamahalaan.
Pokaragat na ‘yan!
Sinasamantala naman ng mga ibang mga korap na opisyal at kawani ang nasabing kabagalan upang ipagpatuloy ang kanilang walang patid na pagnanakaw ng pera ng pamahalaan.
Walang dudang pagpapa-yaman sa kanilang mga pamilya ang totoong interes nila sa pagkakaroon ng puwesto sa pamahalaan.
Wala silang pakialam kahit maubos ang pera ng pamahalaan dahil ang tanging laman ng isipan nila ay yumaman nang yumaman.
Pokaragat na ‘yan!
Malakas ang kanilang loob dahil alam nilang hindi na sila maisasama sa imbestigasyon ng TFAC sapagkat matatapos na ang buhay nito, kasabay ng pagtatapos ng termino ni Duterte.
Hindi rin sila natatakot sa Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) kahit ang hepe ng ahensiyang ito ay si Greco Belgica, sapagkat alam nilang hindi nito kayang banggain ang mga korap na opisyal, lalo ang kilalang ‘bata’ , o mayroong koneksiyon kay Duterte.
Ang duda nila ay naghahabol na lamang ng popularidad si Belgica upang magkaroon ng laban sa pagkasenador sa halalang 2022.
Pokaragat na ‘yan!
Sa totoo lang, tingin ng maraming opisyal ng pamahalaan ay ‘inutil’ ang PACC dahil wala pa naman itong napapakulong.
Hindi nga napatunayan ng PACC na mga magnanakaw ng pera ang ilang korap na mga kongresistang minsang inakusahan ni Belgica.
Kaya, hindi ako magtataka kung masayang – masaya ang mga korap sa pamahalaan.
Hindi ako magugulat kung sasabihin nilang “belat” sa mga bumibira sa kanila.
Pokaragat na ‘yan!
Natatandaan ba ninyo nang magalit si Pangulong Duterte sa mga korap sa pamahalaan?
Hindi ba’t partikular na tinukoy ni Duterte ang pagiging notoryus ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa larangan ng korapsyon?
Ngunit, kagyat na sinalo at pinawalang – sala ni Duterte si DPWH Secretary Mark Villar.
Pokaragat na ‘yan!
Hindi raw korap si Villar dahil milyonaryo na ito, sabi ng tagapagsalita ni Duterte na si Secretary Harry Roque Jr.
Pokaragat na ‘yan!
Hindi ba’t maraming korap sa Department of Health (DOH), Department of Agriculture (DA), Bureau of Customs (BOC) at Bureau of Immigration (BI), ngunit hindi nasusukol ng TFAC at PACC hanggang kasalukuyan.
Kaya, ubod nang saya ng mga korap.
Mahirap sukatin ang kanilang kaligayahan sa buhay na nagmula pa sa biyayang ibinigay sa kanila ni satanas.
Mawawala sila sa puwesto kasabay ng pagtatapos ng termino ni Duterte, ngunit mapapalitan lang ng ibang korap na mga opisyal.
Ngunit, posible ring manatili sila sa puwesto kung si Mayor Sara Duterte Carpio, o Senador Christopher Lawrence “Bong” Go, ang pumalit kay Pangulong Duterte sa 2022.
Pokaragat na ‘yan!
Kapag nangyari ‘yan, tiyak na patuloy na magsasaya ang mga korap sa pamahalaan.
At walang sawa silang magsasaya dahil napalawig pa ang kanilang pagkakapuwesto sa pamahalaan.
Ibig sabihin, hahaba pa ang termino ng pangungurakot nila.
Ngunit, dapat matigil ang kanilang kasamaan.
Kailangang maputol ang kasakiman nila sa pera.
Dapat kumilos ang mamamayang Filipino upang matuldukan ang napakasayang buhay ng mga korap sa pamahalaan.
188
