Dahil sa napatay na curfew violator sa Tondo ANTI-CRIME VOLUNTEERS MAPUPURNADA

LALONG lumiit ang tsansang armasan ang anti-crime volunteers bilang mga force multiplier dahil sa pagpatay ng isang barangay tanod sa lalaking may diperensya sa pag-iisip sa Tondo, Manila noong Linggo.

Ayon kay House Committee on National Defense and Security chairman Ruffy Biazon, ang kaso ng biktimang si Eduardo Geñoga na binaril at napatay ng tanod na si Cesar Panlaqui ay indikasyon na hindi dapat humawak na armas ang mga ito.

“Enforcement multipliers like barangay tanods are not fully trained on proper firearms use and discipline so in order to avoid incidents like this, carrying of firearms by non-police personnel even if licensed, should not be allowed during imposition of quarantine,” ani Biazon.

Magugunita na noong Hulyo ay sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na nais nitong armasan ang mga civilian volunteer group upang maidepensa ng mga ito ang kanilang sarili sa pagtulong sa mga pulis sa pagsugpo sa kriminalidad.

(Kinondena)

Mariing kinondena naman ni Bayan Muna Party-list Rep. Eufemia Cullamat ang pagpatay kay Geñoga dahil hindi umano krimen na gabihin sa daan para sentensyahan ng kamatayan ang biktima na may diperensya sa pag-iisip.

“Una sa lahat, bakit may hawak na baril ang isang barangay tanod? Pangalawa, bakit kinakailangang barilin ang ‘curfew violator’ imbes na pauwiin at pagsabihan o paalalahanan na lang?” tanong ni Cullamat.

Base sa mga viral video, nangyari ang insidente sa Tayuman St., Tondo, Manila alas-otso ng gabi nang sitahin ni Panlaqui si Geñoga dahil pagala-gala umano ito at nangangalampag ng gate sa nasabing lugar.

Tinangkang sugurin umano ng biktima na may diperensya sa pag-iisip, ang tanod hanggang sa nakitang pinaputukan ito ng suspek sa dibdib na siya nitong ikinamatay.

“Wala na ngang silbi ang lockdown, sinasamahan pa ng pang-aalipusta sa ordinaryong mamamayan. Kelan naging krimen ang gabihin sa lansangan, maging ang isang taong wala sa tamang pag-iisip?” ayon pa sa mambabatas. (BERNARD TAGUINOD)

138

Related posts

Leave a Comment