NAGPOSITIBO sa poliovirus ang daluyan ng tubig sa pagitan ng Bgy. Bucal at Bgy. Halang, sa Calamba City, Laguna.
Ito ang lumabas sa isinagawang pagsusuri ng mga eksperto.
Sinabi ng Sangguniang Barangay ng Bucal, ang ilat o ligasong na pumapagitna sa dalawang barangay, o ang tubig mula sa
Pamana Homes papuntang Laguna de Bay, ay nagpositibo sa poliovirus matapos ang isinagawang pag-aaral ng Community Environment and Natural Resources Office (CENRO).
“Kami po ay humihingi sa inyo ng lubos na pakikiisa na huwag munang bumaba (lumusong) o pumunta sa nasabing lugar para makaiwas sa anomang ikasasama sa kalusugan,” anila.
Pinag-iingat din ang mga residente sa kanilang pag-inom ng tubig.
“Siguraduhin po natin na hindi kontaminado ang ating iniinom na tubig at iwasan po na tayo ay makainom ng galing sa NAWASA na hindi napakuluan lalo’t higit sa mga kabahayan na malapit sa nasabing lugar,” anila pa.
Matatandaan na naunang inihayag ng mga eksperto na nagbalik ang polio sa Pilipinas noong Setyembre, 19 taon matapos ideklara ng World Health Organization na ligtas sa naturang sakit ang bansa. KIKO CUETO
