Damay sa kapalpakan ng ama kaya aatras? SUPORTA KAY SARA NUMINIPIS NA

UNTI-UNTI nang nababawasan ang suporta kay Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio dahil sa tumitinding galit ng iba’t ibang sektor sa kapalpakan ng administrasyon ng amang si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagtugon sa pandemya at iba pang suliranin ng bansa.

Bukod sa mga health worker, nagpahayag din ng pagbawi ng suporta ang hanay ng mga public commuter kasabay ng panawagang tuldukan ang kultura ng pagmumura ng administrasyon.

Hindi na rin dapat pang masundan ng isang butangera ang palamurang lider, pahayag ni National Center for Commuter Safety Protection (NCCSP) Chairperson Elvira Medina sa posibilidad ng pagtakbo ni Duterte-Carpio sa nalalapit na 2022 presidential derby.

Aniya, kumpiyansa ang kanilang hanay na ‘di mananalo sa eleksyon ang alkaldeng anak ni Pangulong Duterte, bunsod na rin ng mga umano’y kapalpakan ng administrasyong tugunan ang suliraning dala ng pandemya.

Pagtitiyak pa ni Medina, sa sektor lamang umano ng mga commuters ay wala nang makukuhang suporta ang batang Duterte lalo pa’t higit pa sa kalbaryo ang naranasan ng mamamayan sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.

Partikular na tinukoy ng NCCSP chairperson ang pasakit na dala ng polisiya ng administrasyong patuloy na nagbabawal sa pagbiyahe ng provincial buses sa Metro Manila.

“Napakahirap ang buhay ng isang commuter ngayon at walang ginagawa ang pamahalaan,” sambit ni Medina.

Bagamat kumbinsidong mahihirapan na ang administrasyon sa tangkang pakalmahin ang pag-aalburoto ng mga tao, mas mainam aniya ang sigurado sa gitna ng napipintong pagsunod ng batang Duterte sa yapak ng ama.

Paglalarawan pa ng lider ng naturang sektor, isang maruming bahay ang pamamahala ni Pangulong Duterte, na dahilan kung bakit hindi na dapat pang sundan pa ng isang lider na tulad nito.

Hamon pa ni Medina sa Pangulo, unahing linisin ang gobyernong hitik sa kabi-kabilang bulilyasong bunsod ng pagsisiwalat ng Commission on Audit (COA) sa mga iregularidad sa mga transaksyon ng gobyerno.

“Mayroon kang isang amang walang ginawa kundi magmura, maghamon. Imbes na sabihin sama-sama tayong maglinis,” giit pa nito.

“Hindi kailangan ng butangera. Ang kailangan is a person with respect. It is all over the videos, it is all over the place, their notoriety. Nakita mo kung paanong pambubugbog sa isang tao na in authority. Kailangan ba natin ng taong butangera? I mean, show your intelligence, show your respect to the people, show your love for authority because that is one of the virtues that God has given to his people,” patutsada pa ni Medina sa kultura ng karahasan sa ilalim ng panunungkulan ng mag-ama.

“Pag-asa, hindi bala. Yan ang isa sa mga battlecry naming – ngiti sa labi hindi luha ng pighati. We need to give our people hope because most of them have lost their hope,” dugtong pa ni Medina kasabay ng panawagan ng paghingi ng tawad ni Duterte para sa mga naganap na patayan sa loob ng mga panahon ng kanyang panunungkulan sa Palasyo.

“President Duterte should bow down to the Lord and ask for His forgiveness so that the Lord can refresh people, the land and exonerate the people.”

Kahapon, inihayag ni Mayor Sara na dahil sa pagdedeklara ni Pangulong Duterte ng pagtakbo bilang vice president ay hindi na siya kakandidato sa susunod na eleksyon.

Ayon sa alkalde, malinaw ang usapan ng kanilang pamilya na isa lang ang maaaring tumakbo sa national position kung kaya’t wala itong planong tumakbo bilang pangulo.

“Yes, I am not running for a national positions as we both agreed only one of us will run for a national position in 2022. It does not affect any of my plans,” sabi ng alkalde bilang tugon sa nangyaring convention ng PDP-Laban kung saan sina Go at Duterte ang nais ng mga itong tumakbo sa susunod na eleksyon.

“From the last time PRRD and I talked this was their Plan A. The Plan B was for SBG to run sa VP,” dagdag pa ng alkalde. (FERNAN ANGELES)

149

Related posts

Leave a Comment