MY POINT OF BREW
MARAHIL ay hindi gaano napapansin ang balitang ito dulot ng iba’t ibang isyu na kasalukuyang pinag-uusapan sa ating lipunan. Subalit ang isyu na kung dapat paunlakan natin ang hiling ng Estados Unidos na payagan pansamantala na kupkupin ng Pilipinas ang mahigit 50,000 Afghan refugee ay tama. Ito ay habang inaayos ng US ang estado sa permanenteng pagkupkop ng mga Afghan refugee sa kanilang bansa. Isang mahalagang isyu ito na dapat nating bigyan ng mabuting pansin.
Hindi naiiba ito. Noong natalo sa digmaan ang South Vietnam sa North Vietnam noon ika-30 ng Abril 1975, daan-daang libong mga taga South Vietnam ang nagkukumahog na umalis sa kanilang bansa sa takot sa kanilang hinaharap sa mga komunistang North Vietnam. Ang Amerika na kaalyado at tumulong sa South Vietnam ay nagdesisyon na kupkupin ang daang libong mga South Vietnamese. Kailangan muna na dumaan sa proseso at pumasa sa mga dokumento, ayon sa gobyerno ng Amerika.
Subalit noong mga panahon na iyon, ang populasyon ng South Vietnam ay nasa mahigit 40 million. Ang dating kapitolyo nila na Saigon, na ngayon ay Ho Chi Minh City, ay may populasyon na mahigit 2 milyon lamang bago bumagsak ito sa kamay ng mga puwersa ng North Vietnam.
Ang South Vietnamese immigration sa Amerika, ayon sa datos, ay umabot sa mahigit 600,000 mula 1975 hanggang 2000. Kasama na dito ang unang sigwada na nakalipad sa Amerika noong 1975 na halos 125,000 at karagdagang 531,300 na nag-apply ng political asylum at bilang refugee. Kaya hindi kataka-taka na napakalaki ng komunidad ng mga Vietnamese sa US.
Ganito rin ang kaso sa bansang Afghanistan. Tumulong ang Amerika sa nasabing bansa laban sa mga Taliban subalit nabigo sila at pinasok ang kapitolyo ng Afghanistan, Kabul, noong Agosto ng 2021. Kaya naman problemado muli ang Amerika sa pagkupkop ng mga Afghan refugee sa kanilang bansa.
Nanawagan si US President Joe Biden sa Pilipinas na tulungan sila sa problemang ito sa pamamagitan ng pansamantalang pagkupkop sa 50,000 Afghan refugee. Ayon kay Biden, ang pagkupkop ay hindi magtatagal. Kailangan daw munang ayusin ang mga dokumento at papeles ng mga ito bago lumipad sila sa Amerika.
Nalagay tuloy ang Pilipinas sa alanganing sitwasyon. Pauunlakan ba natin ang hiling ng Amerika kapalit ang pagtulong nila sa isyu laban sa China sa pagsakop ng ilang isla sa West Philippine Sea. Magbibigay ba ang US sa Pilipinas ng karagdagang military at economic aid para dito?
Sa kabilang dako naman, may panganib din na mapasukan tayo ng mga masasamang elemento kapag pinapasok natin ang mga nasabing refugee mula sa Afghanistan.
Ibang-iba na ang panahon. Ang Pilipinas ay kabahagi sa pagkupkop ng mga Vietnamese noong 1975. Mayaman at maganda pa ang ekonomiya ng Pilipinas noon. Hindi pa ganoon kalaki ang populasyon ng Pilipinas. Wala pang mga tinatawag na Islamic terrorist noong mga panahon na iyon na naghahasik ng gulo sa Pilipinas.
Iba na ang panahon ngayon. Dati ay may Clark Air Base at Subic Naval Base ang Amerika sa ating bansa na mahalaga noong mga panahon na iyon bilang impluwensya at puwersa sa Pacific region. Wala na ito ngayon mula nang hindi pinayagan ng ating gobyerno sa ilalim ni President Cory Aquino, na palawakin ang nasabing tratado.
Ang Pilipinas na dati ay nangunguna sa ekonomiya sa Southeast Asia ay ika-pito na ngayon sa mga bansa sa ASEAN. Nanguna pa ang Vietnam sa atin ngayon.
Hindi naman natin maitatanggi na ang posibleng pagkupkop sa mga Afghan refugees ay isang maka-Diyos at makataong hakbang. Subalit ang tanong ay kung kaya ba natin? Saan natin sila dadalhin? Ano ang kanilang pangkabuhayan? Kaya ba nilang makihalu-bilo sa mga Pilipino sa nasabing lugar? Ibang-iba ang kultura nila ‘di tulad ng kultura ng Vietnam na medyo hawig sa atin. Kung sa Mindanao sila ipadadala, hindi ba maaaring pasukan ito ng ideolohiya ng Islamic terrorist?
Seryoso ba na may mahihita tayo sa Estados Unidos kapag ginawa natin ito? Eh hindi naman mga Amerikano ang mga ito na maaaring tanawin nila na malaking utang na loob? Luluwag ba ang pagbigay ng visa sa mga Pilipino kapag ginawa natin ang pagkupkop sa mga Afghan refugee?
Maraming katanungan. Dapat ay pag-isipang mabuti at makahanap ng magandang solusyon sa problemang ito. Hindi dapat agrabyado ang Pilipinas sa usapang dito.
