MARAMI nang dalubhasa ang nagpahayag na ang adiksyon sa droga ay health problem, ngunit ipinagpilitan na law enforcement problem ito.
Malalang problema ang ilegal na droga, ngunit ang tugon ay ang decriminalization sa mga gumagamit nito upang mabawasan ang nakakulong at lumuwag ang mga presohan dahil inako na rin na health issue ang drug addiction.
‘Yan ang magkasalungat na tugon ni Senador Ronald Dela Rosa sa usaping ilegal na droga – noon at ngayon.
Tila kambal-dila sila ni Sen. Robin Padilla na ngayon ay kumakambyo na i-decriminalize ang paggamit ng droga. Ibig bang sabihin ay pag-amin nila ito na palpak ang drug war ng nakaraang administrasyon. Bakit kasi ngayon lang.
Binago ba ang deklarasyon at binawi ang ipinagsigawan noon dahil may sikretong motibo ngayon?
Ang pagtrato sa drug addiction bilang health issue sa halip na paglabag sa batas ay nararapat na gabayan ng malawak, mabusising pag-aaral ng mga datos at estadistika.
Kung bara-bara lang mula sa sinasabing eksperimento o “subukan”, dahil puwede namang bawiin o pawalang-bisa ang batas sakaling hindi maging epektibo, ang sangkalan ng senador para isulong ang decriminalization, ito ay pagwawaldas lang ng salapi at pagsasayang ng oras.
Lalabas na trial and error ang hakbang na para bang sinasagutan lang ang math quiz, o kung ano ang lasa ng niluto kapag ginamit ay puting sibuyas sa halip na pula.
Ngunit, tila nahimasmasan ang dating PNP chief at nagdadalawang-isip na ituloy ang panukala, na mariing tinutulan ng law enforcement agencies dahil maaari itong maghatid ng maling senyales sa publiko na walang problema sa paggamit ng ilegal na droga dahil wala namang makakalaboso.
Kabilang sa mga tumutol ang Dangerous Drugs Board (DDB), National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP), at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Iyan ang mahirap sa basta susulong na hindi maiging pinag-iisipan ang sariling galaw at kontra-tira ng iba.
Kailangan pa bang matuto muna ng leksyon sa bulilyasong pagmamarunong?
Medyo doble lang ang mensahe ng panukala ng 2 senador. Decriminization o legalisasyon? Ang decriminalization ay hindi kasingkahulugan ng legalisasyon sa usaping ito.
Ang decriminalization ay nangangahulugan na ang dating bawal na droga ay nananatiling ipinagbabawal ng batas, ngunit hindi uusigin ang taong nagkasala. Ang legalisasyon ay pagsasalegal sa droga. Pinalalakas ng decriminalization ang kahalagahan ng paggamot sa droga, ngunit maaaring maging daan ng pagdami ng bilang ng gagamit ng droga dahil hindi na sila takot sa parusa.
