DAPAT mahiya ang mga Local Government Units (LGUs) sa Metro Manila dahil ikatlo sila sa mga 53 siyudad sa mundo ang may pinakamababang kalidad ng pamumuhay ng mga tao.
Mantakin ninyo, nakabuntot kayo sa Lagos sa Nigeria na isa sa pinakamahirap na bansa sa mundo at Biejing sa China sa pinakamababang kalidad ng pamumuhay base sa resulta ng pag-aaral ng Deutsche Bank.
Nakakahiya, nakakalungkot, nakakaiyak at nakakadismaya ang ganitong situwasyon. Pero kung mayroong dapat mahiya dyan ay ang LGUs sa Metro Manila.
Sige, isama na rin ang national government lalo na ang mga ahensyang inatasang ayusin ang kapaligiran, trapiko, mass transport at suweldo ng mga tao pero hindi natin sila ramdam.
Eto ha, maraming local executives sa Metro Manila ang tumanda na sa poder pero parang wala silang naiambag sa pag-unlad sa siyudad na kanilang pinamumunuan sa napakatagal na panahon.
Ang lagi nating nakikita ay mga Mayor lang pero hindi natin nakikita yung mga vice mayors at mga konsehal na pabalik-balik na lang sa konseho na tila ginagawang bread and butter na lang ang kanilang posisyon pero hindi na sila ramdam ng mga taong bumoto sa kanila kapag nakapuwesto na.
Ang tanging serbisyo na nakikita kong ibinibigay ng mga konsehal o city councilors sa mga tao ay yung nagpapahiram na tolda na may naglalakihang mukha nila, kapag may burol, birthday o kasal sa kanilang nasasakupang distrito, Serbisyo ba yun? Pangangampanya yan.
Hindi iyan ang ipinangako nilang serbisyo noong nangangampanya sila para maluklok sa konseho. Kahit local lawmakers kayo, kailangan pa rin na tuparin ninyo ang pangako nyo noon na peace and order, maayos na tirahan, trabaho at malinis na kapaligiran.
Marami ding pamilya ang nagpapalitan na lamang ng puwesto sa pagka-Mayor sa Metro Manila at mga asensado na pero ang kanilang pinamumunuan ay lugmok pa rin sa kahirapan, nahihirapan pa ring sumakay, marumi pa rin ang mga estero, ilog at kanal at maging ang mga kalsada.
Wala ring pakialam ang mga local executives sa mga manggagawa sa kanilang mga lugar na nasasakupan kahit alam nilang dinadaya ng mga negosyante ang kanilang mga empleyado at hindi pinapasahod ng tama.
Kahit responsibilidad ng national government ang usapin sa sahod ng mga manggagawa, dapat may pakialam ang mga Local executives sa mga manggagawa sa kanilang nasasakupan kung alam nilang hindi sumusunod sa minimum wage ang mga negosyante sa kanilang siyudad.
Pero mayroon bang ginagawa ang mga Mayor nyo, ang vice mayor nyo o yung mga city councilors nyo para ipagtanggol kayo sa mga abusadong employers lalo na yung mga dayuhan na may mga tindahan sa malls, Wala, wala, wala!
Responsibilidad din ng mga LGU ang paglilinis sa mga kanal, pagsasaayos sa mga trapiko, peace and order, at kalinisan sa kapaligiran pero hindi nila ginagawa ang kanilang trabaho kaya bumababa ang kalidad ng ating pamumuhay.
Malala ang trapiko, walang masakyan, matindi pa rin ang krimen kahit panahon ng pandemya at tambak pa rin ang basura sa mga estero, ilog at kanal sa mga siyudad sa Metro Manila at marami pa rin ang squatter. Pero sila mayor, vice mayor, city councilors, maayos ang pamumuhay. Hindi kayo nahihiya?
