DAPAT MAY MANAGOT SA PAGLUBOG NG MV AYA EXPRESS

PUNA ni JOEL O. AMONGO

ISA na namang trahedya ang naganap nitong kasagsagan ng malakas na ulan na kinasangkutan ng isang bangkang de motor sa Laguna de Bay na ikinamatay ng 27-katao.

Base sa ating natanggap na impormasyon, 27 katao ang nasawi sa paglubog ng MV Aya Express sa Laguna de Bay noong Hulyo 27, 2023.

Sa isinagawang Pulong Balitaan sa Quezon City, sinabi ni Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson Rear Admiral Armand Balilo, magtutulungan ang PCG at Philippine National Police (PNP) sa pangangalap ng mga ebidensiya laban kay Donald Anain, ang kapitan ng bangkang de motor, at sa dalawa pa nitong mga tauhan.

Titiyakin daw nila na masasampahan ng kasong kriminal ang kapitan, ang dalawang crew members ng bangka na lumubog sa Laguna De bay sa Binangonan, Rizal.

Nakadepende pa rin ito sa mapagkakasunduan nila ng komite sa nakalap nilang mga ebidensiya, ayon pa kay Balilo.

Kabilang sa posibleng kahaharapin ng mga kakasuhan ay ‘reckless imprudence resulting in multiple homicide.’

Napag-alaman natin na sa 40 sakay ng bangka, 27 katao ang namatay sa paglubog nito sa lawa habang papunta sa Talim Island.

Sinabi ni Balilo, 22 lang ang sinabing sakay ng bangka subalit wala silang eksaktong alam kung ilan ang mga sakay nang lumubog ito.

Napag-alaman na ang bangka ay may 42 upuan lamang, pero 67 ang sinasabing sakay nito bago lumubog.

Lumalabas na overloaded ang bangka bago ito naglayag na naging dahilan ng paglubog nito.

Sinasabi ng kapitan na hindi raw niya alam na overloaded ang kanyang bangka nang ito ay umalis papuntang Talim Island?

Kung pagbabasehan natin ang kanyang statement, ay nagsisinungaling ang kapitan na sinabing hindi niya alam na overloaded ang kanyang bangka.

Ayon sa ating kaibigan na eksperto sa pagbabarko, luma na ang rason na hindi alam ng kapitan (Anain) na overloaded ang kanyang bangkang de motor.

Sinabi pa niya na hindi kaila na mas malaki ang kita ng bangka kapag mas maraming pasahero.

Ngunit dapat ay batid ng kapitan na apektado ang stability ng anomang sasakyang pandagat kung nagkarga ito nang sobra sa itinakdang kapasidad (capacity).

Kaya ayon, nakumpromiso ni kapitan ang kaligtasan niya kasama ng mga pasahero at tripulante, naging dahilan ng paglubog ng bangka.

Aniya, maaaring nagpunta sa port side o kaliwang bahagi ng bangka ang mga pasahero na dulot ng pag-panic ng mga nakasakay sa bangka hanggang sa lumubog ito.

Sino ngayon ang nagbigay ng ‘permit to operate’ lalo na ng Certificate of Public Convenience (CPC) ng bangka?

Hindi biro ang bilang ng mga nasawi sa paglubog ng bangkang de motor kaya dapat may managot, maging sa panig ng may-ari ng bangka, kapitan nito at sa mga opisyal ng gobyerno na nagpabaya ng kanilang trabaho.

oOo

Para sa sumbong at suhestiyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

220

Related posts

Leave a Comment