PINASOK ng dalawang hinihinalang mga magnanakaw ang bahay ng dating bise alkalde ng Hagonoy, Bulacan, sa Barangay 655, Intramuros Manila noong Lunes ng gabi.
Agad namang nadakip ng mga barangay tanod ang mga suspek na sina alyas “Henry”, 24, at “Louis”, 27, kapwa residente ng nasabing lugar.
Kinilala naman ang biktimang si alyas “Angel,” isang 73-anyos na negosyante.
Batay sa ulat ng Sector 6 ng Intramuros sakop ng Ermita Police Station 5 ng Manila Police District, bandang alas-10:30 ng gabi nang mamataan ng dalawang barangay tanod ang papatakas na mga suspek
Nang kanilang sitahin, nadiskubre nilang bitbit ng mga suspek ang isang crowbar, plier, phillips screwdriver, vice grip at apat na metrong solid wire.
Wala namang nawalang gamit sa bahay ng biktima maliban lamang sa wasak na padlock nito.
Mabilis namang nagresponde sina Police Corporal Mar Bien Ymas at Patrolman Benz Dave Petate at inaresto ang mga suspek na sasampahan ng kasong robbery.
(RENE CRISOSTOMO)
