(DANG SAMSON-GARCIA)
IBINUNYAG ng dating close-in security ni Cong. Zaldy Co na tatlong beses kada linggo silang nagdedeliber ng pera—na tinawag niyang “basura”—sa bahay ni dating House Speaker Martin Romualdez.
Sa pagharap sa Senate Blue Ribbon Committee, sinabi ni Orly Regala Guteza na mula nang ma-hire siya bilang security detail ni Co noong Disyembre 2024 hanggang Agosto 2025, naging regular ang paghahatid ng pera.
Ibinulgar din niya na si Cong. Eric Yap ay naghatid ng 46 maleta ng pera sa bahay ni Co—bawat isa’y naglalaman ng tig-P48 milyon. Aniya, 35 maleta ang naiwan kay Co habang 11 maleta naman ang dinala sa bahay ni Romualdez sa McKinley, Taguig.
May pagkakataon din aniyang naghatid sila ng pera sa dating bahay ni Michael Yang, na umano’y nabili na ni Romualdez.
Ani Guteza, ang tumatanggap ng pera sa bahay ni Co ay sina John Paul Estrada at Mark Tiksay. Humiling din siya ng inclusion sa Witness Protection Program dahil sa pangamba sa kanyang buhay at pamilya.
Escudero, Binay, Revilla idinawit sa kickbacks
Samantala, idinawit naman ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo si Senator Francis “Chiz” Escudero sa umano’y anomalya sa flood control projects.
Ayon kay Bernardo, isang nagngangalang Maynard Ngu—kaibigan at campaign contributor ni Escudero—ang tumanggap ng P160 milyon bilang kickback na umano’y para sa senador.
Bukod kay Escudero, pinangalanan din niya sina dating Senador Bong Revilla at Nancy Binay bilang tumanggap ng bahagi ng komisyon mula sa mga proyekto.
Sinabi ni Bernardo na:
25% ang komisyon kay Cong. Zaldy Co, 2% ay napunta kina Engineer Henry Alcantara, 15% o P37 milyon ang napunta kay Binay sa pamamagitan ni Carlyn Villa Yap, P125 milyon ang personal na dinala ni Alcantara kay Revilla para sa kampanya nito.
Todo-deny sa paratang
Mariing itinanggi nina Escudero at Binay ang mga paratang.
Ayon kay Escudero, malinaw na isang “sarswela” ang ginawa para atakihin ang Senado at ilihis ang usapan mula sa tunay na salarin. Giit niya, wala siyang komunikasyon kay Bernardo at handa siyang magsampa ng kaso.
Si Binay naman ay nagsabing tahimik siyang nagtatrabaho bilang alkalde ng Makati at walang kinalaman sa anumang anomalya. “Nagugulat at nalulungkot ako na ginagamit ang pangalan ko para ipang-linis sa ibang dapat managot,” aniya.
Protected witness na rin
Kinumpirma ng DOJ na saklaw na ng Witness Protection Program si ex-DPWH Usec Bernardo matapos itong manumpa sa ahensya bago bumalik sa Senado para ipagpatuloy ang pagdinig.
Protected witnesses na rin ang ilang dating DPWH officials at contractors na nakipagkasundo sa DOJ kapalit ng pagbabalik ng mga nakulimbat na pera at sasakyan.
(May dagdag na ulat si JULIET PACOT)
