DATING DPWH OFFICIAL NAGSOLI NG P40-M KICKBACK SA DOJ

ISA pang dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang nagsoli sa Department of Justice (DOJ) ng bahagi ng umano’y kickback na nagkakahalaga ng P40 milyon kaugnay ng flood control scam.

Ipinrisinta ni Acting Justice Secretary Frederick Vida sa media ang nasabing halaga na isinauli ni dating DPWH–National Capital Region Regional Director Gerard Opulencia bilang bahagi ng restitution process at ng memorandum of agreement para sa kanyang provisional admission sa Witness Protection Program (WPP).

Ayon kay Vida, bahagi pa lamang ang P40 milyon sa kabuuang P150 milyong halagang nakatakdang isauli ni Opulencia.

Sinabi ng kalihim na ang naturang halaga ay umano’y nagmula sa iba’t ibang proyekto at inaasahang makatutulong sa pagpapatibay ng mga kasong inihahanda at isinasampa ng DOJ.

Sa kasalukuyan, si Opulencia ay provisionally admitted sa WPP ng DOJ at kabilang sa mga respondent sa mga reklamong inihain kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control projects sa Bulacan.

Nakatakdang ideposito sa National Treasury ang nasabing pondo upang mapakinabangan ng taumbayan.

(JULIET PACOT)

104

Related posts

Leave a Comment