Dating nangangalakal ng basura OLYMPIC MEDALIST NA NGAYON

Ni ANN ENCARNACION

KUNG dati’y basura, ngayon ay Olympic medal na ang kinukuha ng Pilipinong boksi­ngero na si Carlo Paalam.

Katunayan, sigurado nang may bronze medal mula sa Tokyo Olympics ang 23-anyos na Pinoy matapos siyang magwagi sa men’s flyweight quarterfinal bout sa Kokugikan Arena kahapon.

Dating nangangalakal ng basura para makatulong sa kanyang pamilya sa Cagayan de Oro si Paalam.

Una siyang nadiskubre sa ilalim ng boxing program ni City Mayor Oscar Moreno na bahagi ng grassroots sports program ng Philippine Sports Commission’s (PSC) Batang Pinoy at Philippine National Games (PNG).

Dahil sa ipinakitang talento at dedikasyon sa isport, hinasa siya ng Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) ­hanggang sa makara­ting sa ­Tokyo Games kasama ang tatlong boxers, at 15 iba pang pambansang atleta sa iba’t ibang sports.

Sa kanyang kauna-unahang Olympics stint ay agad nagpakitang-gilas si Paalam nang mapagtagumpayan ang Round of 32 at Round of 16 ng men’s flyweight.
At sa quarterfinals match up kontra 2016 Rio Olympics gold medalist Shakhobidin Zoirov ng Uzbekistan, nakipagsabayan siya hanggang magwagi sa pama­magitan ng ‘aborted split decision’ matapos silang aksidenteng magkauntugan.

Itinigil ng ringside doctor ang laban 1:16 minuto sa second round dahil sa mas malaking putok sa kilay ni Zoirov, at dahil sa scorecards ay lamang si Paalam ay ibinigay sa kanya ang 4-0 win points.

Ngayong naka-tanso na siya, may tsansa pang maging pilak kung mananalo sa semifinals, at ginto kung makararating sa finals si Paalam.

86

Related posts

Leave a Comment