DINIINAN ng dalawang dating Marines ang nauna nilang pahayag na naghatid sila ng mga maleta na puno ng pera sa bahay ni dating Marikina City 2nd District Rep. Stella Quimbo.
Sa isang panayam sa “Kapuso Mo, Jessica Soho,” kinumpirma nina Belnard Tube at Benny Bulontate ang laman ng kanilang affidavit, at sinabi nilang nagdala sila ng pera sa bahay ni Quimbo.
“Kay Cong. Stella po,” sagot ni Bulontate nang ipakita ni Soho ang larawan ng isang bahay kung saan inihahatid ang ilang maleta na puno ng pera.
Nang tanungin ni Soho kung tunay nga bang pag-aari ni Quimbo ang bahay, sinabi ni Tube, “oo, bahay niya po.” Tinukoy din niya ang lokasyon, ngunit ang detalyeng ito ay hindi ipinalabas sa programa.
Kabilang sina Bulontate at Tube ay kabilang sa 18 dating sundalo na nagsabing naghatid sila ng mga maleta ng pera sa bahay ni Quimbo.
Upang suportahan ang kanilang alegasyon, nagbigay sila ng larawan ng walong malalaking maleta at isang maliit na maleta na inihatid sa bahay ni Quimbo.
Ayon sa kanila, bawat malaking maleta ay naglalaman ng humigit-kumulang P50 milyon hanggang P70 milyon, habang ang maliit na maleta ay may P15 milyon hanggang P25 milyon.
Si Quimbo ay naging miyembro ng bicameral conference committee at nagsilbing vice chairperson ng House Committee on Appropriations noong pinag-uusapan ang 2025 national budget.
Naging chairperson siya ng komite matapos magbitiw si Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co.
Kasama rin siya sa tinatawag na “small committee,” kung saan iniulat na naganap ang umano’y mga insertions sa 2025 national budget.
Ayon sa grupo, naghatid rin sila ng pera kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa iba pang opisyal. Sa kabuuan, kanilang inihayag na nakapaghatid sila ng humigit-kumulang P805 bilyon sa iba’t ibang opisyal. (EG)
1
