DAVAO GHOST FLOOD PROJECT, KURYENTE?

NATAPOS nang maayos at nalapatan pa ng kaukulang repair matapos daanan ng malalakas na bagyo ang P96.5-milyong flood control project sa Culaman, Jose Abad Santos, Davao Occidental na una nang tinawag na “ghost project.”

Ito ang lumalabas sa mga dokumento, video footage at mga larawang nakalap ng pahayagang ito mula mismo sa inspection report ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Sa nasabing inspection report, kabilang ang drone footage, malinaw na makikita na ang concrete revetment project ay aktuwal na umiiral sa lugar, taliwas sa alegasyong hindi ito ginawa. Sa mga aerial video na kalakip ng ulat, kuhang-kuha ang “flood control structure in place.”

“Nagkaroon pa nga ng mga muling pag-aayos sa ilang bahagi nito matapos daanan ng matitinding pagbaha dulot ng malalakas na bagyo noong 2022,” ayon sa isang mapagkakatiwalaang source.

Dagdag pa ng source, ang mga isinagawang repair ay walang karagdagang gastos sa gobyerno dahil saklaw ito ng warranty na itinakda sa ilalim ng mga batas hinggil sa government contracts.

Batay sa mga dokumento, ang proyekto na may Project ID 22LE0029 ay ipinatupad ng DPWH Davao Occidental District Engineering Office at nai-award noong 2022 sa St. Timothy Construction Corporation, na pag-aari ng ngayo’y nakakulong na si Cezarah “Sarah” Discaya. Saklaw ng proyekto ang pagtatayo ng concrete revetment bilang proteksyon laban sa baha ng mga komunidad sa lugar.

Sa kabila nito, si Discaya, kasama sina DPWH District Engineer Rodrigo C. Larete, Assistant District Engineer Michael P. Awa, ilang section chiefs, project engineers at inspectors, pati si Ma. Roma Angelin Rimando ng St. Timothy Construction Corporation, ay kinasuhan ng umano’y pagsasabwatan kaugnay ng isang proyektong hindi raw ginawa o “ghost project.”

Sinampahan sila ng paglabag sa Section 3(e) ng Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act, gayundin ng Articles 217, 171 at 172 ng Revised Penal Code, kabilang ang malversation of public funds at falsification of public documents.

Gayunman, ayon sa mga source na may kaalaman sa DPWH inspection report, malinaw na naisakatuparan ang proyekto.

“The documents and videos prove the project is there. This is not a ghost project,” ayon sa isa sa mga source.

Dagdag pa nila, maling naparatangan ang mga akusado bunsod ng umano’y madaliang paghahain ng kaso, sa kabila ng mga inspection report ng DPWH na nagpapatunay na ang proyekto ay aktuwal na naisagawa.

(JOEL O. AMONGO)

76

Related posts

Leave a Comment