DAVAO DEL SUR – Magkakaibang executive order ang ipinalabas ng local government units (LGUs) dito sa lalawigan at karatig probinsya ng Davao Occidental.
Makaraang ipag-utos ng National Inter-agency Task Force on COVID-19 na isarado ang lahat ng mga libingan sa bansa simula sa Oktubre 29 hanggang Nobyembre 4, kanya-kanya nang nagpalabas ng direktiba ang mga alkalde ng bayan sa lalawigan.
Sa Sulop, Davao del Sur, inabisuhan ng lokal na gobyerno ang publiko na maaari nang bumisita ang kanilang mga residente sa sementeryo simula noong Oktubre 22 hanggang Oktubre 28.
Kung hindi makadalaw sa naturang petsa, maaari din itong gawin sa Nobyembre 5 hanggang sa petsa 11.
Ngunit limitado lamang sa 30 minutos ang pagbisita ng bawat isa sa kanilang mga mahal sa buhay na pumanaw.
Kahit inamyedahan na ng National COVID-19 Task Force ang mga edad ng maaaring lumabas ng bahay, mariin pa ring ipinag-utos ng lokal na gobyerno na ang mga nasa edad 21-anyos pababa at 60-anyos pataas ay bawal dumalaw sa mga sementeryo.
Ipinagbabawal pa rin ang pagdadala ng mga pagkain o inuming nakalalasing at iba pang mga aktibidad sa kanilang pagdalaw.
Sa bayan ng Magsaysay, sinabi ni Mayor Arthur Davin na nagsimula nang dumalaw ang kanilang mga residente sa sementeryo noong Oktubre 13 at magtatapos sa Oktubre 28, mula alas-6:00 ng umaga hanggang alas-6:00 ng gabi.
Nilinaw ni Davin na bawal ang mag-overnight sa mga nasabing petsa at kailangang nasa 100 katao lamang ang maaring dumalaw kada araw.
Ang mga bibisita na hindi residente ng bayan, kailangan pang magpakita ng medical certificate at quarantine clearance mula sa lugar na kanilang pinagmulan.
Sa kabilang bayan ng Matanao, nagpalabas din ng direktiba si Mayor Vincent Fernandez na 30 porsyento lang ang dadalaw sa kanilang mga sementeryo bago ang nakatakdang pagsarado nito sa Oktubre 29 hanggang sa Nobyembre 4.
Habang sa probinsya ng Davao Occidental, ipinag-utos ni Governor Claude Bautista na bawal ang paglalagay ng tent sa mga sementeryo at kailangang nakasuot ng face mask o face shield at dapat obserbahan ang social distancing.
Nilinaw ng gobernador na bawal ang pagsusugal sa mga sementeryo at ipinag-utos sa mga pulis ang pagpapatupad ng mahigpit na seguridad ngayong Undas. (DONDON DINOY)
185
