KUNG Bulacan ang tinaguriang epicenter ng flood control projects sa buong Luzon, ang Davao Occidental naman ang katumbas nito sa Mindanao, ayon kay House Committee on Public Accounts Chairman at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon.
Sa isang press conference kahapon, pinabulaanan ni Ridon ang pahayag ng ilan na walang problema sa flood control projects sa Davao Region, kabilang ang Davao City.
“Makikita natin dito na hindi totoo na lahat ng proyekto ay kumpleto at walang problema,” ani Ridon, sabay pakita ng mga larawan ng mga proyektong “incomplete, unconstructed, at poorly situated,” na sinimulan mula 2021 hanggang 2025.
Batay sa mga larawang inilabas ni Ridon, dalawang flood mitigation structure sa Barangay Kinangan at Barangay Little Baguio sa bayan ng Malita, Davao Occidental ay hindi naisakatuparan, habang ang revetment project sa Barangay Pinalpalan ay maling lokasyon at hindi nakatulong sa pagbabawas ng pagbaha.
“And to be very clear, these involved not just one district — it involved all districts in Davao City. It also involved Davao Occidental, which I think we can call the epicenter of ghost projects in Mindanao. Kung sa Bulacan natin nakikita ang epicenter ng ghost projects sa Luzon, sa Davao Occidental naman ito makikita,” pahayag ni Ridon.
Ayon pa sa mambabatas, sampung flood control projects sa tatlong distrito ng Davao City ang hindi natapos kahit sinimulan pa noong 2021, 2022, at 2023. Kabilang dito ang: dalawang proyekto sa Talomo River, Don Julian Rodriguez area; dalawa sa Davao River Poblacion; mga proyekto sa Barangay Catalunan Pequeño, Barangay Gov. Vicente Duterte sa Agdao; at tatlo sa Matina, lahat matatagpuan sa Davao City.
Dalawa pang proyekto sa Barangay Lasang at Barangay Pangyan, Davao City, ay hindi rin naisagawa, patunay umano na may mga problema sa flood control initiatives sa rehiyon.
Itinanggi naman ni Ridon na may partikular silang tinutukoy na indibidwal o pamilya sa kanilang pagsisiwalat. Giit niya, layunin lamang ng kanilang komite na mapanagot ang mga sangkot sa mga anomalya at matiyak na napupunta sa tama ang pondo ng bayan.
Bagaman walang ibinigay na eksaktong halaga ng mga problemadong proyekto, sinabi ni Ridon na makikipag-ugnayan ang kanyang komite sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) para sa mas malalim na imbestigasyon sa mga flood control projects sa Davao Region.
(BERNARD TAGUINOD)
63
