HUMINGI ang Department of Budget and Management (DBM) kay Senadora Risa Hontiveros ng kopya ng mga dokumentong magpapatunay sa akusasyon niyang isang bilyon ang “sobrang presyo” ng personnel protective equipment (PPE) na nabili sa China.
Ayon sa DBM, wala pa ring ipinadadalang dokumento si Hontiveros sa kagawaran hanggang ngayong Biyernes.
Ang punto ng DBM sa hiningi nitong mga katibayan mula kay Hontiveros ay kongretong hakbang upang patunayan ang kanyang mga alegasyon.
“We have yet to receive a reply [from Senator Hontiveros],” patuloy ng DBM.
“Our interest is transparency and not politics. It has been often said that reiteration of a baseless allegation does not make it legitimate, it only makes the allegation absurd and nonsensical. We at the PS-DBM stand by our previous expression of facts,” patuloy na giit ng DBM laban kay Hontiveros.
Ang hamon ng DBM sa senadora ay nakabatay sa itinatambol at igigiit nito sa kanyang press releases na “overpriced” ng P1 bilyon ang nabiling ilang set ng PPE sa China.
Hindi itinanggi ng DBM na galing China ang nabili nitong PPE dahil sila lamang ang mga kumpanya na lumahok sa subasta ng kagawaran na pasado ang kalidad ng PPE sa itinakdang pamantayan ng Department of Health (DOH).
Sa nabiling set ng PPE mula sa China ay nakatipid ang pamahalaan ng P800 milyon, patuloy na giit ng DBM, batay sa dokumentong hawak nito.
Inilahad ng DBM kay Hontiveros na mayroong mga lumahok na mga kumpanyang pag-aari ng mga negosyanteng Filipino tulad ng PhilPharma Wealth Inc.
Ayon sa DBM, ang eight-piece PPE set ng PhilPharma Wealth Inc. na P2,873 kada set ay hindi pasado sa rekesito ng DOH at ang presyo nito ay 30.39 porsiyento ang taas sa iba. (NELSON S. BADILLA)
192
