IKINATUWA ni Mamamayang Liberal (ML) party-list Rep. Leila de Lima ang pag-usad ng kasong crime against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).
“This serves as a milestone in the process of exacting accountability for the crimes committed in Davao City by the DDS and during the drug war all over the Philippines,” ani De Lima, na matagal nang tinig ng oposisyon laban kay Duterte.
Noong Setyembre 22, pormal nang isinapubliko ng ICC ang mga kasong isinampa laban kay Duterte: murder sa Davao City kung saan 19 ang biktima (2013–2016), at karagdagang 14 na pinaslang mula 2016–2017 sa kasagsagan ng drug war.
“The wheels of justice started to grind as early as 2018. As early as then we already warned Duterte to stop the killings or he will inevitably face justice before the ICC,” dagdag pa ni De Lima.
Pero hindi nakinig si Duterte—tuloy ang madugong kampanya kontra droga. Ayon sa PNP, nasa 7,000 ang napatay sa police ops; pero ayon sa human rights advocates, posibleng umabot pa ito sa 30,000, karamihan ay inosente.
“His detention and indictment for the drug war killings are the direct consequence of his own actions,” diin ni De Lima, sabay banat na wala nang dapat sisihin si Duterte kundi ang sarili niya.
Naniniwala ang mambabatas na hindi si Duterte lang ang tatamaan ng ICC. “Kasunod niyang haharap sa The Hague ang kanyang mga kasabwat sa drug war,” ani De Lima.
(BERNARD TAGUINOD)
