DEFUNDING NG NTF-ELCAC RUMATSADA SA KAMARA

SINIMULAN na sa mababang kapulungan ng Kongreso ang pagbawi sa pondo ng National Task Force-End Local Communist Armed Conflict (NFT-ELCAC).

Sa pamamagitan ng House Resolution (HR) 1726 na inakda ni Deputy Speaker Bienvenido Abante Jr., nais nito na ilipat ang P16.4 billion na NTF-ELCAC sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Labor and Employment (DOLE).

Ang NTF-ELCAC ay may P19.4 billion pondo kung saan P16.4 billion dito ay gagamitin umano sa pagpapaunlad sa may 800 barangay sa bansa upang hindi na balikan ng New People’s Army (NPA) habang ang natitirang P3 billion ay nakalaan naman sa kanilang operasyon.

“Given the gravity of the problems brought about by the COVID-19 pandemic, and in light of the inability of NTF-ELCAC to properly perform its functions, the government should prioritize efforts to provide financial assistance and other forms of support to our countrymen who have no sources of income or have limited means as a result of the pandemic,” ani Abante.

Nais ng mambabatas na gamitin na lamang ang pondo ng NTF-ELCAC para madagdagan ang pondo ng DSWD sa kanilang mga ayuda sa taumbayan ngayong panahon ng pandemya at tulungan ang mga manggagawa na nawalan ng trabaho.

Bagama’t aminado ang mambabatas na kailangang mapaunlad ang mga NPA-infested barangay, mas makabubuti aniyang gamitin muna ang pondong ito sa pagtulong sa mga taong labis na naapektuhan sa pandemya.

Gayunpaman, mistulang inamin ni Abante na isa sa mga dahilan kung bakit pinababawi ang pondo ng nasabing task force ay dahil nagiging sentro na umano ito ng paninira, hindi lamang sa mga public official kundi sa journalists, non-government organizations, activists, lawyers, educators, celebrities, at pribadong mamamayan.

 

GAG ORDER

Kamakalawa, inisyuhan ng gag order sina Lieutenant General Antonio Parlade Jr. at USec Lorraine Badoy na kapwa tagapagsalita ng NTF-ELCAC upang huwag na munang magkomento hinggil sa community pantries.

Ayon kay National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr., tumatayong chairman ng NTF-ELCAC, pinagbabawalan pansamantala ang dalawa na magkomento sa nasabing usapin.

Subalit nilinaw ni Esperon na ito ay upang maalis ang kalituhan sa ginagawang bayanihan ng publiko.

“Yes I did if only to emphasize that NTF-ELCAC or Gen. Parlade or Usec Badoy are not against bayanihan or community pantries. “Kapag nagsalita sila akala kasi ng iba, some would take it as the two are against the concept of bayanihan,” ayon sa kalihim.

Samantala, nagbigay ng ilang tip si dating AFP chief of Staff General Alexander Yano dahil madali aniyang malaman kung ginagamit na propaganda ng mga makakaliwa ang community pantries.

Ito ay kung ginagamit nila ang emotion ng mga tao para isulong ang kanilang agenda, kung hinahaluan ng mga propaganda, mga babasahin na nagsusulong ng pagpapabagsak ng gobyerno, at kung nanghihingi na sila ng donation in dollars sa ibayong dagat.

 

‘DI PIPIGILAN

Kaugnay nito, sinabi ng Malakanyang na wala itong planong pigilan ang itatayo pang community pantry sa iba’t ibang bahagi ng bansa ngayong panahon ng pandemiya.

Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na, ‘let a thousand community pantries bloom’ dahil ito aniya ay bayanihan.

Sumasalamin aniya ito sa kagalingan ng mga Pilipino sa pinakamasamang panahon.

Gayunman, sinabi ni Sec. Roque na kinakailangan sumunod din sa minimum health standards ang mga nagtutungo sa community pantries kabilang ang pag-iwas sa mass gathering.

“Dahil kapag tayo po’y nagkumpul-kumpulan, iyan po ang pinaka-sure na pamamaraan para kumalat ang COVID. Baka naman sa pagbibigay ng tulong natin, pagbibigay ng pagkain sa ating mga kababayan eh iyan naman ang maging dahilan para sila po’y mag-COVID at magkasakit,” ayon kay Sec. Roque.

“So ang panawagan po natin, ipatupad po natin ang ating mga minimum health standards at lahat po ng mga nagsisimula ng community pantry, kinakailangan po makipag-ugnayan kayo sa inyong barangay at sa lokal na pamahalaan para naman masiguro lalung-lalo na iyong social distancing, mask, hugas at iwas,” dagdag na pahayag nito. (BERNARD TAGUINOD/JESSE KABEL/CHRISTIAN DALE)

485

Related posts

Leave a Comment