Delikado ang kaban ng bayan! TRILYONG PONDO SA 2026 NILULON NG BAYARIN

TILA babala ang inihayag kahapon ng isang mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na mahigit limang trilyong piso lamang ang magiging pondo ng gobyerno sa susunod na taon.

Ayon kay Davao City Rep. Isidro Ungab, mahigit P5.440 trilyon lang ang totoong magagamit na pondo ng gobyerno sa 2026 dahil halos P1.190 trilyon ay tuwirang ilalaan sa pagbabayad ng utang.

At posibleng lumobo pa ito sa P1.353 trilyon kung hindi mapipigil ang patuloy na paglaki ng utang ng Pilipinas.

“Taon-taon, pataas nang pataas ang binabayarang utang ng bansa. Ang masama pa, hindi ito detalyadong inilalantad ng gobyerno sa publiko,” pagbubunyag ni Ungab sa simula ng deliberasyon ng 2026 House General Appropriation Bill (HGAB).

Ibinunyag din niya na noong 2022 ay nasa P464 bilyon lang ang unpaid obligations ng gobyerno, pero lumobo ito sa P1.190 trilyon ngayong taon at lalo pang tataas sa 2026.

“Ang ipinapakita ng DBM na budget release na 80% o 90% ay authority lang to obligate, hindi aktwal na cash. Maraming utang ang naiipon at taon bago mabayaran,” diin pa ni Ungab.

Dahil dito, iginiit niya ang agarang reporma sa paggastos ng gobyerno at pagbabawal sa labis na paggastos ng mga ahensya para hindi tuluyang mabaon ang susunod na henerasyon sa utang.

Inatasan din niya ang Development Budget Coordination Committee (DBCC) na linawin kung aling sektor ang maaapektuhan kapag pumalya sa pagbabayad, at maglatag ng konkretong solusyon.

“Fiscal transparency at maayos na pamamahala ng pondo ang pundasyon ng tiwala ng bayan. Kung hindi ito maisasaayos, malulubog sa utang ang bansa at mamamayan ang magdurusa,” matinding babala ni Ungab.

(BERNARD TAGUINOD)

77

Related posts

Leave a Comment