DEMOLITION JOB KAY ES RODRIGUEZ SABLAY

BISTADOR Ni RUDY SIM

SA kabila ng malaking tiwala ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kay Executive Secretary Atty. Vic Rodriguez ay muling napatunayan ang kasabihang “hindi maaring mawalan ng kontrabida sa isang pelikula” matapos tila nagsanib puwersa ang ilang mga nakapaligid sa Palasyo kasabwat ang ilang higanteng opisyales sa nagdaang administrasyon at isang malaking religious group, upang gibain si Atty. Rodriguez.

Pinaniniwalaang apektado ang mga ito sa dahilang hindi nila nakuha ang gusto nilang posisyon sa gobyerno o kaya ay hindi napagbigyan ang kanilang manok na i-appoint ni PBBM sa malalaking ahensya ng pamahalaan.

Bagamat naging mabagal ang pagtatalaga sa ilan pang puwesto sa gobyerno ay dahil na rin ito sa mahigpit na direktiba ng Pangulo kay ES Rodriguez na salaing maigi ang mga aplikante na mayroong malasakit at pagmamahal sa bansa upang maiwasan ang korapsyon at pagpapayaman sa sarili nito.

Isang malisyosong paratang ang lumabas sa isang artikulo na kilalang anti-Marcos na pahayagan, ang nagsabing ang naging ugat umano ng isang fake news ay ang paghingi ng executive office ng malaking halaga sa mga aplikante upang mabigyan ng puwesto, na isang malaking kalokohan at kasinungalingan.

Tila binaliktad ang kuwento ng isang makapangyarihang grupo na sila pa umano ang hinihingian ng pera samantalang sila ang may gawain nito. Tama lamang ang desisyon nina PBBM at ES Rodriguez na kahit gaano pa kalaki ang naitulong sa nakaraang eleksyon ng ilang personalidad at grupo ay hindi papayagan ng bagong pamahalaan na muling isakripisyo ang tiwalang ibinigay ng higit 31 milyong Pilipino.

Isang halimbawa rito ay ang isang dating opisyal ng gobyerno ni PRRD mula sa Bureau of Immigration (BI) na nakapuwesto noon dahil sa mayroong isang negosyante na si alias “Besa” ang namuhunan ng P10M sa isang malaking grupo na ginamit ang kanilang kapangyarihan upang ipuwesto ang isang opisyal at hawakan ang korapsyon.

Marami ang hindi pa nakakikilala nang lubusan sa pagkatao ng isang Atty. Vic Rodriguez, isang taong relihiyoso at mapagmahal sa kanyang pamilya at noon ay hindi pinapansin ang isang UST Law graduate, hindi pangkaraniwan sa mga nagdaang pamahalaan na UP at Ateneo ang nanaig. Pinagkatiwalaan siya ni PBBM dahil sa talino at katapatan.

Noong ako’y baguhan pa lamang sa pahayagang ito at hindi pa nagsisimula ang eleksyon ay sino ba naman ang isang Rudy Sim para pansinin ni Atty. Vic Rodriguez, marami akong natutunan sa kanya at napulot na aral sa tamang pagsusulat at tapang ng loob, lagi siyang nasa aking likuran kapag mayroon akong nasasagasaan na nagbabanta sa aking buhay. Mabuhay ka ES Rodriguez!

Keep up the good work, Sir!

(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay ­sariling opinyon ng sumulat at hindi ­saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

214

Related posts

Leave a Comment