HIGIT pa sa tumama ng lotto jackpot kung ilarawan ng isang militanteng kongresista ang aniya’y tinamasa ng kontrobersyal na crony na isinangkalan ang probisyon sa ilalim ng Bayanihan-2 para makontrol nang lubusan ang Malampaya Gas Field project sa Palawan.
Partikular na tinukoy ni Gabriela partylist Rep. Arlene Brosas ang negosyanteng si Dennis Uy, na umano’y mas malaki ang pakinabang kaysa sa Pharmally Pharmaceutical Corp., na sangkot diumano sa maanomalyang procurement deals para sa mga dispalinghadong medical supplies.
Giit ni Brosas, sinamantala ni Uy ang pandemya para makumbinsi ang Department of Energy (DOE) na makuha nito ang 90% controlling stake ng Malampaya kung saan nagmumula ang 30% ng energy demand ng malaking bahagi ng Luzon.
“Mukhang pinakinabangan ang probisyong ito ni Dennis Uy sa pagkuha ng 90 percent stake sa Malampaya Gas Field dahil hindi ito pasok sa compulsory notification at review ng PCC. There appears to be no government intervention at all over the biggest pandemic acquisition in the country,” ayon kay Brosas.
Sa isang probisyon ng Republic Act 11494 (Bayanihan to Recover As One), inalis ang poder ng Philippine Competition Commission (PCC) na manghimasok sa mga transaksyon sa gobyerno na hindi bababa sa P50 bilyon ang halaga.
Aniya, sukdulang sinamantala ni Uy na tumatayong may-ari ng Udenna Corporation at mga kasabwat nito ang nasabing probisyon para tuluyan nang makuha ang 45% controlling stake ng Shell sa Malampaya sa halagang P23.15 bilyon.
“Such Bayanihan-2 provision has created enabling conditions for mega-mergers led by favored oligarchs by the Duterte administration – at the expense of ordinary Filipinos who would be at the receiving end of monopolistic pricing of basic goods and services amid the pandemic,” ayon pa sa lady solon.
Bago isinabatas ang Bayanihan 2, lahat ng bentahan, merger ng mga kumpanya o transaksyong P2.5 bilyon pataas ay obligadong dumaan sa pagkilatis at pagsusuri ng PCC sa hangaring tiyaking magkaroon ng totoong kumpetisyon sa hanay ng mga negosyante.
Sa ilalim naman ng Bayanihan-2, tanging ang mga transaksyong higit sa P50 bilyon ang pwedeng pasukan ng PCC – bagay na naging basehan ng PCC sa kanilang pasyang hindi na panghimasukan ang nasabing usaping tuluyang nagbigay kay UY ang 90% ng nasabing proyekto.
“Gustong bigyang daan ng gobyernong Duterte ang pagmonopolyo ni Dennis Uy sa lahat ng strategic economic sectors kabilang na ang power production. Pati logistics at election counting machines, hawak na rin niya,” ayon pa kay Brosas. (BERNARD TAGUINOD)
