MAY paghahanda nang ginagawa ang Department of Education (DepEd) para sa limited face-to-face classes.
Ito ang inihayag ni Presidential spokesperson Harry Roque sa kabila na bawal pa rin ang nasabing set- up para sa pag-aaral ng mga estudyante.
Giit ni Sec. Roque, hindi pa rin payag si Pangulong Duterte sa tradisyunal na harapang pagka-klase sabay paglilinaw sa naging pahayag ng CHEd.
Aniya, na-iquote daw kasi si CHEd Chairman Popoy De Vera na inaprubahan na ng IATF ang limited face-to-face classes sa low risk areas.
Subalit para kay Sec. Roque, walang gayung direktiba at naghihintay pa aniya sila ng instruction tungkol dito mula sa presidente.
Maging si DepEd Secretary Leonor Briones aniya ay nagsabing wala pang approval ang programa ni VP Leni Robredo na face-to-face class dahil bawal pa rin ito.
“Hindi po, naghihintay pa po tayo ng instruction sa presidente. Bagama’t mayroon pong paghahandang ginagawa ang DepEd, hindi pa po allowed ‘yan dahil hindi pa po pumapayag ang presidente,” ayon kay Sec. Roque. (CHRISTIAN DALE)
