DEPED PINUNA SA PAGHUHUGAS-KAMAY SA PAGKAMATAY NG 12 MAG-AARAL

HUGAS kamay raw ang Department of Education (DepEd) sa isyu na ang dahilan ng pagpapakamatay ng labing dalawang mag-aaral kamakailan ay ang modular learning nila.

Binanatan sila ng grupong Samahan ng Progresibong Kabataan (SPARK) sa kanilang pagtanggi matapos sabihin ng ahensiya na malisyoso lamang ang ilang grupo’t indibidwal na pilit inuugnay ang modular learning sa pagkitil ng sariling buhay ng mga kabataan.

Dahil daw sa hirap na dinaranas ng mga kabataan sa pag-aaral ngayon sa ilalim ng tinatawag na ‘new normal’ ang dahilan kaya nagkaroon ng insidente ng pagpapakamatay.

Sinabi ng SPARK na hindi maaaring pasinungalingan ng DepEd ang katotohanan. Ipinagpilitan daw kasi ng ahensiya ang modular learning na noon pa mang Hunyo ay mariin nang tinututulan.

“Walang ibang dapat sisihin kung hindi ang DepEd. Ipinagpipilitan daw ng kagawaran na buksan ang eskwela kahit malinaw ang mga ebidensiya’t argumento na hindi pa handa ang bansa para dito.” ani Justin Dizon na tagapagsalita ng SPARK.

Nababahala ang grupo na pabata ng pabata ang biktima ng depresyon na humahantong nga sa pagpapakamatay. Mula noong muling magbukas ang klase noong Oktubre 4, tumaas mula 4 hanggang 12 ang bilang ng mga nag suicide na estudyante. Kaya hindi ito isang isolated case lamang.

Sobra-sobrang presyur daw sa online classes ang dahilan kaya ang iba ay agad na sumusuko sa hirap hanggang sa ma-depress ng tuluyan.

Dahil dito, nananawagan ang SPARK sa gobyerno na magpapatupad ng Academic Freeze hanggang Enero, para magkaroon daw ng sapat na panahon upang asikasuhin ang krisis sa edukasyon at magkaroon ng reporma sa mga patakaran nito.

Nais ng grupo na kilalanin bilang isang karapatan ang pagkakaroon ng internet, magbigay ng sapat na subsidiya pang-gadget at load para sa mga guro at estudyante, at ang pagsasapubliko ng industrya ng telekomunikasyon sa bansa.

Matagal na nating sinasabi sa PUNA na hindi sana maging ‘trial and error’ ang pagbubukas ng klase dahil ang nakasalalay dito ay ang buhay at kapakanan ng mga batang mag-aaral.

Matinding depresyon ang inabot ng bawat pamilya ngayon at siyempre ang pangunahing apektado dito ay ang mga kabataan na mahinang tumanggap ng problema.

Kaya hindi imposible na humantong sa pagpapakamatay nila, lalo pa’t maitatanim sa kanilang mga isipan na hirap na nga sila makakain ngayong may pandemya ay sinabayan pa ng problema nila sa pag-aaral.

Nananawagan tayo sa DepEd na sana ipaalam ninyo sa inyong mga nasasakupan lalo na sa mga guro na ‘wag masyadong i-presyur ang inyong mga mag-aaral ngayon.

Iwasan din ang magsalita ng masasama laban sa kanila habang ginagawa ang online class.

Iba ang panahon ngayon sa ilalim ng ‘new normal’ dahil dumadaan ang lahat ng pamilya sa maraming problema lalo na ang mga nawalan ng trabaho.

Problema na nga nila ang kanilang kakainin ay poproblemahin pa ang pag-aaral ng kanilang mga anak. Maging ang gadgets at internet nila ay malaking problema din para sa kanila.

Ikunsidera rin sana ng DepEd ang sinasabi ng SPARK na ‘wag silang maghugas-kamay sa halip ay gumawa sila ng pamamaraan na hindi maulit ang pagpapakamatay ng mga mag-aaral.

Alamin nyo kung bakit nagkakaganon ang mga mag-aaral ngayon, ‘wag maging sarado ang inyong pag-iisip. Kaya nga ang guro ay pangalawang magulang na itinuturing dahil kasama kayo sa paghubog sa aming mga anak.

At isa po yan sa malaking utang na loob namin sa inyo, sana isipin nyo rin kung bakit humahantong sa pagpapakamatay ng mga batang mag-aaral ngayon.

Hindi po ordinaryo ang ating nararanasan sa kasalukuyan.

oOo

Humingi po pala tayo ng paumanhin kay Kagawad Jan Ross Gonzales ng Brgy. Manggahan, Montalban, Rizal dahil naging Janet Gonzales ang kanyang pangalan sa ginawa nating special report kamakailan na “6Ks ni Cong. Nograles umarangkada na”.

Ganun paman ay nagka-usap na kami ni Kagawad Gonzales sa pamamagitan ng text messages at tinanggap niya po ang ating paumanhin. Maraming salamat po sa inyo, kagawad more power!

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at email operarioj45@gmail.com.

165

Related posts

Leave a Comment