ISA sa mga negosyo na hindi apektado sa panahon ng pandemya ay ang mga kumpanya ng langis dahil kahit lugmok ang mga tao dahil nawalan, kundi man mababawasan ang kanilang income, tuluy-tuloy ang kanilang lingguhang oil price increase.
Laging sinasabi ng mga oil company na nalulugi sila, pero ‘yung sinasabi nilang lugi ay ‘yung target na income na hindi nila nakuha dahil nalimitahan ang paggamit ng mga tao ng krudo dahil sa pagtigil ng ilang negosyo.
Katunayan, ang Petron ay nagdeklara ng P1.73 bilyong profit sa unang tatlong buwan ng taong kasalukuyan habang P1 bilyon naman sa Shell at tuluy-tuloy naman ang ekspansyon ng Caltex na indikasyon na kumikita sila kahit sa panahon ng pandemya.
Ang natamaan nang husto rito ay ang mga consumer sa kabuuan, hindi lang ang mga gumagamit ng krudo dahil mula Enero ay tumaas ng P11.85 kada litro ng gasoline, P10.20 naman sa diesel at P8.71 sa gaas, o kerosene.
Kung regular kang gumagamit ng diesel na nakakokonsumo ka ng 50 litro kada linggo, ang dagdag na gastos mo ay P510 kada linggo, o P2,040 kada buwan.
Masakit sa bulsa!
Kapag ikaw naman ay tsuper na ang hanapbuhay mo ay mamasada, malaking kabawasan ang halaga sa inyong kita imbes na iuwi mo sa pamilya mo, napunta sa gobyerno at mga oil company.
Pagdating naman sa palengke, mararamdam mo ang epekto ng oil price hike dahil tumaas ang presyo ng mga bilihin, lalo na ang pangkain at kapag tinanong mo ang tindera bakit tumaas bigla ang kanyang paninda, sasabihin sa ‘yo na nagtaas kasi ang presyo ng mga supplier dahil ipinatong nila sa kanilang paninda ang dagdag na gastos nila sa transportasyon dahil sa pagtaas ng presyo ng langis.
Ang ipinagtataka ko lang ay tahimik ang gobyerno kapag tumataas ang presyo ng langis at sila pa ang nagbibigay katuwiran kapag may nagaganap na oil price increase na tila spokesman ng oil companies.
Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagsabi na galit ito sa oligarkiya, pero nagtataka ako bakit hindi magamit ang kanyang tapang sa mga oil company na nabibilang din sa oligarkiya.
Inutusan ng gobyerno ang oil companies na i-unbundle ang gastos nila para malaman kung overprice ba, o hindi, ang kanilang mga produkto, pero tinutulan ng mga oil company dahil malalaman ang business secret daw nila, pero hindi ginamit ng gobyerno ang kanilang power dahil tumahimik na sila, kaya ang tanong: Hindi ba talaga kaya ang oil companies?
